3,081 total views
Binigyang-diin ni Papal Nuncio to the Philippines Archbishop Charles Brown na higit kinalulugdan ng Diyos ang mga mahihina, dukha, at kabilang sa pinakabulnerableng sektor ng lipunan.
Ito ang mensahe ng nuncio sa paggunita ng ika-70 anibersaryo ng Pontifical Coronation ng Apo Caridad sa Bantay, Ilocos Sur nitong January 13 kung saan paalala ng arsobispo ang kahalagahan ng kagalakan at pag-asa na hatid ni Maria sa pagdadalang tao kay Hesus.
Sinabi ng arsobispo na malinaw sa Ebanghelyo na pinipili ng Diyos ang mga itinuturing na “maliit” sa lipunan na kadalasang naisasantabi tulad ng isang sanggol.
“God has a special preference for the smallest, the weakest, the most dependent, the most vulnerable. Who is smaller, weaker, or more dependent than a baby in his mother’s womb?” ayon kay Archbishop Brown.
Tinuran ng nuncio ang tagpo ng Pagdalaw ni Maria kay Elizabeth kung saan ang unang kumilala sa presensya ng Diyos na nagkatawang-tao ay hindi makapangyarihan o tanyag sa lipunan kundi isang sanggol sa sinapupunan at iginiit na taliwas sa pamantayan ng mundo ang pananaw ng Diyos.
“The first person after Mary who recognizes the presence of God-made man, God with us in Jesus, is little baby John the Baptist, an unborn baby, a baby in his mother’s womb… In the eyes of the world, it’s the important, powerful, and wealthy people who receive all the recognition. God’s vision is different from human vision,” ani ng arsobispo.
Binigyang-diin din ng arsobispo ang papel ni Maria bilang tagapagdala ng kagalakan, sapagkat dala niya si Hesus na siyang tunay na “kagalakan ng mundo.”
Inihalintulad ng nuncio ang koronasyon sa Mahal na Birhen bilang payak na handog ng isang bata sa kanyang ina, isang munting alay na nagmumula sa taos-pusong pagmamahal.
Iginiit ni Archbishop Brown na maaring karamihan sa mga dumudulog kay Apo Caridad ay karaniwang mamamayan at hindi mayayaman o makapangyarihan sa lipunan ngunit sila ang higit na nililingap ni Maria.
“Most of the people who come to pray are not rich or famous, but simple people of faith, and Mary looks at them with love and compassion,” aniya.
Ang imahen ng Mahal na Birhen na Nuestra Señora de la Caridad o mas kilala sa tanyag na Apo Caridad ay nakadambana sa Saint Augustine of Hippo Parish sa Bantay Ilocos Sur na itinatag ng mga misyonerong Agustino noong 1590.
Dahil sa mga karanasan ng mga mamamayang nililingap ng Mahal na Birhen ay higit na lumago ang debosyon kay Apo Caridad kung saan noong August 3, 1955 ay ipinagkaloob ni Pope Pius XII ang kalatas para sa pontifical coronation.
Isinagawa ang pagputong ng korona kay Apo Caridad noong January 12, 1956 sa pangunguna ni noo’y Apostolic Nuncio to the Philippines Cardinal Egidio Vagnozzi, kasabay ng pagkilalang si Apo Caridad ay patrona ng Ilocandia.
Photo Courtesy : Buen Viaje PH




