182 total views
Nakikiisa ang Catholic Bishops Conference of the Philippines sa ika-10 pagdiriwang ng Earth Hour sa buong mundo.
Sa Pastoral Letter ni CBCP President at Lingayen Dagupan Archbishop Socrates Villegas, sinabi nito na sa mahabang panahon ay naging bulag at manhid ang mga tao sa nagagawa nitong pagsasamantala sa kalikasan.
Aniya, bagamat may mga batas na ginagawa ang mga pinuno ng mga bansa para protektahan ang kapaligiran, ay pawang mababaw na salita lamang ito at hindi naman naipatutupad.
“The right to a healthful ecology that the Constitution guarantees us all will soon become hollow words when our wells run dry, our fields become arid as wastelands, our air, heavy with lethal pollutants. In many cities of the world, these are realities.”bahagi ng Pastoral statement ni Abp. Villegas
Dagdag pa ng Arsobispo, nang ilabas ni Pope Francis ang Encyclical na Laudato Si ay hindi lamang ipabatid ang kagandahan ng daigdig, kundi upang ipaalam sa bawat tao ang lumalaganap na kultura ng pagiging makasarili kung saan nalilimutan ng tao ang mga salitang “pag-aaruga at paggalang”.
“It was also meant to call attention to our selfishness, for the despoliation of earth is merely symptomatic of a dangerously pervasive self-centeredness that is familiar only with “use”, but is a stranger to “care” and “respect”. Dagdag pa ni Abp. Villegas.
Dahil dito, hinimok ni Abp. Villegas ang bawat mananampalataya saan mang panig ng mundo na makiisa sa isang oras na pagpapatay ng ilaw sa ika-25 ng Marso, 2017 ganap na 8:30 hanggang 9:30 ng gabi.
Sinabi ng Arsobispo na sa pamamagitan ng Earth Hour ay naipababatid sa tao ang pagiging bulagsak nito sa paggamit ng elektrisidad, tubig at iba pang likas na yaman ng mundo na inaakala nating walang hanggan ngunit ngayon ay nararamdaman na ang kakulangan.
Bukod dito, ang Earth Hour ay isa ring daan upang maramdaman ang presensya ng Panginoon sa pamamagitan ng liwanag na nagmumula sa kalangitan na bubuwag sa pagiging makasarili at sakim ng tao.
Nauna rito, nanawagan si Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle, CBCP-Episcopal Commission on Mission chairman Sorsogon Bishop Arturo Bastes, CBCP-Episcopal Commission on Migrants and Itinerant People chairman Balanga Bishop Ruperto Santos at Cagayan de Oro Archbishop Antonio Ledesma sa sambayanang Pilipino na pigilan ang “ecocide” o pagpatay sa kalikasan at pagpahingain ang mundo na regalo ng Diyos sa sangkatauhan.
See: http://www.veritas846.ph/stop-ecocide-pagpahingain-ang-mundo/