479 total views
Isinisi ni Diocese of Marbel Bishop Dinualdo Gutierrez kay Pangulong Benigno Aquino III ang lumalawak na pagkilos ng mga magsasakang apektado ng El Niño phenomenon.
Ayon kay Bishop Gutierrez, matagal na nilang ipinanawagan kay Pangulong Aquino na palitan na ang kalihim ng Department of Agriculture (DA) na si Sec. Proceso Alcala dahil sa palpak na proyekto at pagbibigay ng pondo na nakalaan sa mga magsasaka.
Inihayag ng Obispo na hindi nakikinig at walang malasakit ang Pangulong Aquino sa dinaranas na kahirapan sa bansa.
“The root cause the government is not responsive to the needs of people. In other words the government lacks love for the poor, the needy. Noon pa yan ito talagang presidente was not listening to the people. Noon pa yan na sinasabi namin na change the secretary ay ayaw. That is very needed from time being,there should be plant to put up a good government. Ngayon lang stop the hemorrhaging then later on we put cure for this sick government of ours,” pahayag ni Bishop Gutierrez sa Radyo Veritas.
Tiniyak naman ni Bishop Gutierrez na hindi matutulad sa madugong Kidapawan dispersal ang nangyayaring kilos – protesta ng 2 libong magsasaka sa harapan ng tanggapan ng Department of Agriculture sa Koronadal City, South Cotabato upang agarang maibigay ang calamity assistance para sa kanila.
Inihayag ng Obispo na nauna nang tumugon ang city government ng Koronadal sa pangangailangan ng mga magsasaka sa pamamahagi ng bigas sa tulong mga kura–paroko at nagsagawa na rin ng job hiring ang Department of Labor and Employent upang makapagbigay ng alternatibong trabaho sa mga magsasaka.
Batay sa datos ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas, nasa mahigit P52 bilyong piso ang pondo ng pamahalaan na nakalaan sa pagbibigay ayuda sa mga magsasakang apektado ng El Niño phenomenon.
Sa tala naman Department of Agriculture mahigit 180 libong magsasaka na sa buong bansa ang apektado ng matinding tagtuyot.