276 total views
Nagkaisa ang limang Diyosesis sa Mindanao na magtulungan upang maging proactive, mapalakas at mapalawak ang kahandaan sa mga magaganap na kalamidad sa kanilang rehiyon.
Sa pagpupulong na isinagawa ng Diocese of Tagum, Tandag, Mati, Butuan at Surigao na pinangunahan ng Caritas Manila at Radio Veritas, napagkasunduan ang pagtatayo ng Emergency Operation Plan sa pagitan ng mga nabanggit na diyosesis upang maging maagap ang pagtugon sa mga lugar na maaaring tamaan ng kalamidad.
Pinuri ni Father Emerson Luego, Social Action Director ng Diocese of Tagum matatag na ugnayang binuo ng Caritas Manila at Radyo Veritas sa Mindanao region dahil napakahalagang maging mabilis ang relief response ng Simbahan sa mga biktima ng kalamidad lalo sa paghahanda ng komunidad sa pagtama ng bagyo o mga natural disaster.
“Ito ang pinaka-maganda na nangyari ngayon na maging mabilis po ang pagbigay natin ng tulong. Ang tinutukoy natin dito paano gagawa ang mga diyosesis ng mga action plan lalo na ngayon we are expecting na sa haba ng El Niño. Kinakabahan kami na gaya ng dati ay merong kasunod na malalakas na bagyo.”pahayag ni Fr.Luego sa panayam ng Radio Veritas.
Umaasa naman si Father Ric Valencia, priest minister ng Ecology and Disaster Program Ministry ng Archdiocese of Manila sa positibong epekto ng Oplan Damayan sa Mindanao.
“We are now expecting faster coordination at mas mabuting pagsasamahan ng mga eastern seaboard dioceses in Mindanao”ani Fr. Valencia.
Magugunitang sa inilabas na datos ng United Nation, pang-apat ang Pilipinas sa mga bansa na pinaka nakakaranas ng kalamidad sa nakalipas na dalawampung taon.