608 total views
Nagpaabot ng pasasalamat ang lokal na pamahalaan ng Caloocan sa Diocese of Novaliches partikular na sa medical teams at volunteers mula sa diyosesis na nagkaloob ng kanilang serbisyo sa Mega Vaccination Site ng lokal na pamahalaan sa Caloocan Sports Complex noong ika-28 ng Agosto, 2021.
Sa Facebook page ni Caloocan City Mayor Oscar Malapitan ay inihayag ng alkalde ang lubos na pasasalamat sa Diyosesis ng Novaliches at maging sa Diyosesis ng Kalookan na aktibo ang pakikipagtulungan sa Vaccination Roll-Out Program ng lokal na pamahalaan upang maproteksyunan ang mga mamamayan laban sa COVID-19 virus.
Pagbabahagi ng alkalde, napakalaking bagay ng personal na pagtulong ng mga medical teams at volunteers ng Diocese of Novaliches sa mismong Mega Vaccination Site ng lungsod kung saan nasa mahigit sa 1,500 ang nabakunahan.
Dagdag pa ng alkalde napakalaking tulong rin ang una ng ginawang pagbubukas ng mga Simbahan ng mga Diyosesis ng Novaliches at Kalookan upang magsilbing vaccination site.
“Napakapalad natin at sinamahan tayo ng medical teams at volunteers ng Diocese of Novaliches sa ating bakunahan sa Caloocan Sports Complex kung saan target na makapagbakuna ng 1,500 katao. Hindi lamang nila binuksan ang mga simbahan para sa mga mamamayan na nais magpabakuna, handa rin silang magtungo mismo sa ating regular vaccination site para umagapay sa ating layuning makamit ang herd immunity. “
Napakalaking bagay po na makasama namin kayo upang marami pang mamamayan ang ating mabakunahan at mabigyan ng proteksyon laban sa COVID 19.”pasasalamat ni Mayor Malapitan
Tinatayang mahigit sa 100 Parish Vaccination Volunteers mula sa 9 na mga parokya ng Caloocan-North ng Diocese of Novaliches ang nagkaloob ng kanilang serbisyo sa Mega Vaccination Site sa Lungsod ng Caloocan.
Ayon sa Our Lady of Fatima vaccination team na nagsisilbing lead group ng lahat ng siyam na parokya, kasama ang Christ The King Vicariate Vicar Forane na si Fr Aristeo de Leon, layunin ng gawain na bigyan ng pagkakataon ang mga City Health Frontliners sa lungsod na pansamatalang makapagpahinga mula sa pagod ng patuloy na vaccination roll-out program sa syudad.
Bukod sa pagtugon sa kapakanan ng mga medical frontliners ay bahagi rin ng layunin ng gawain na patuloy na maipagdiwang sa makabuluhang pamamaraan ang ikalawang anibersaryo ng pagiging Obispo ng diyosesis ni Novaliches Bishop Roberto Gaa.
“Layunin ng pagtutulungan ng mga volunteers na pagpahingahin pansamantala ang mga katuwang at pagod nang City Heatlh Frontliners ng naturang Lungsod, ganun din para ipagdiwang ang ika- 2 Episcopal Anniversary ng Obispo ng Novaliches, Lubos na kagalang-galang Roberto O. Gaa.D.D. sa makabuluhang paraan at pagpapaabot ng pagkalinga sa kanila.” Ayon kay Christ The King Vicariate Vicar Forane Fr Aristeo de Leon.
Samantala bilang pagpapaalala naman sa bawat isa sa mensahe ng pag-asa at pagmamahal ng Panginoon ay nagtayo rin ang Parish Vaccination Team ng Diocese of Novaliches ng isang Altar sa Mega Vaccination Site kung saan makikita ang mga patron ng parokya.