213 total views
Patuloy ang Diyosesis ng Kalookan sa pagsasagawa ng malawakang vaccination program ng pamahalaan para sa ganap na kaligtasan ng lipunan laban sa COVID-19.
Ayon kay Fr. Rene Richard Bernardo, head ng Kalookan Diocesan Health Care Ministry, nasa humigit-kumulang 100,000 libong indibidwal na ang nabigyan ng bakuna sa pamamagitan ng pakikipagtulungan ng Diyosesis sa pamahalaang lungsod ng Caloocan, Malabon at Navotas.
Maliban dito, nakikipagtulungan din ang lokal na simbahan para sa pagpapabakuna sa mga kabataang may edad 12 hanggang 17 taong gulang.
“Nagsisimula na rin po ‘yung pagbabakuna para sa mga kabataan natin at nagkakaroon na po tayo ng mga registration. At ang simbahan po, kagaya halimbawa ho dito sa Malabon, nililista po natin pero doon po natin ibinibigay ang vaccine sa hospital dahil ang bakuna po na ginagamit ay Pfizer,” bahagi ng pahayag ni Fr. Bernardo sa panayam ng Radio Veritas.
Nauna nang sinabi ng Department of Health na ang pagbabakuna sa mga kabataan ay isasagawa lamang sa mga ospital upang mas matiyak ang kaligtasan ng mga ito habang binibigay ang COVID-19 vaccine.
Isa pa sa mga dahilan ay dahil ang Pfizer vaccine ay sensitibo at nangangailangan ng kontroladong temperatura para maiwasan ang pagkasira nito. Samantala, ikinagagalak naman ng Diyosesis ang matagumpay na pakikipagtulungan nito sa pamahalaan upang makapamahagi ng mga bakuna hindi lamang sa mga residente ng Caloocan, Malabon, at Navotas, kundi maging sa mga karatig ding lalawigan.
“Nakatutuwa po sapagkat ang napaglilingkuran po ng Diyosesis ng Kalookan ay hindi lamang taga-Caloocan, Malabon at Navotas. Marami po sa mga karatig lalawigan at bayan, gaya halimbawa ng Bulacan, Pampanga, Cavite at kung saan-saan pang mga probinsiya ang sa pamamagitan na rin po ng bakunahang ito ang natutulungan po natin,” ayon kay Fr. Bernardo.
Iginiit din ni Fr. Bernardo na ang isinasagawang vaccination program sa mga simbahan ay bukas hindi lamang para sa mga katoliko, kundi para din sa iba’t ibang denominasyon.
“Magandang maunawaan din po natin na hindi lang para sa mga katolikong kristiyano, kundi kahit sa ating mga kapatid sa ibang sekta gaya ng muslim at ng iba’t ibang mga denominasyon at relihiyon ay natutulungan din po natin sa malawakang bakunahang ito sa ating Diyosesis,” saad ng pari.
Paalala naman ng pari sa mga pupunta sa vaccination area bilang walk-in na mag-register muna sa pamamagitan ng online upang maiwasan ang mahabang pila at mapabilis ang proseso ng pagpapabakuna.
Kabilang sa mga parokyang itinalaga bilang vaccination centers ng Diyosesis ay ang mga sumusunod:
CALOOCAN:
– San Roque Cathedral
– Saint Gabriel the Archangel Parish
– Shrine of Our Lady of Grace Parish
– San Ezekiel Moreno Parish
– Notre Dame of Greater Manila
MALABON:
– Saints Peter and John Parish, Potrero
– San Antonio de Padua, Barangay Tonsuya
– Immaculate Concepcion Parish, Concepcion
– Immaculate Heart of Mary Parish, Maysilo
– San Bartolome Parish de Malabon
NAVOTAS:
– San Jose Academy