193 total views
Kapanalig, ang mga pagbabago sa demograpiya sa Asya ay humuhulma ng ating kinabukasan. Kung hindi natin paghahandaan ang mga pagbabago na ito, mas maraming suliranin ang haharapin ng ating rehiyon.
Natural na bahagi ng ating buhay ang pagtanda. Maswerte tayo dahil dito sa Asya, kasama natin ang ating mga elders sa tahanan. Binibigyan natin sila ng halaga at puwang sa ating lipunan. Kaya lamang, marami ring mga hamon sa pagtanda ang kinakaharap ng mga Asyano ngayon.
Nangunguna rito ay ang kakulangan sa mga sistema ng pangangalaga sa kalusugan. Maraming mga bansa sa ating rehiyon ay nakakaranas ng mga health systems inefficiency – hindi sapat ang mga serbisyong pangkalusugan para sa mga mamamayan. Nagpapahirap ito sa mga elders natin, kapanalig, at nagdadagdag pa sa pasanin ng mga pamilya. Bukod pa rito, kulang na kulang rin ang impormasyong kalusugan sa mga mamamayan, na nakakapag-palala ng mga sakit gaya ng diabetes, high blood, at iba pa.
Malaking isyu rin ang mental health sa hanay ng elderly. Maraming mga seniors natin, lubhang natakot at na-isolate noong panahon ng pandemya. Marami sa kanila, hindi nakuha ang suportang kailangan nila upang maayos na napagdaanan ang mga hamon na dala nito. Kaya’t marami sa kanila ang lumala pa ang mga iniindang sakit. Marami sa kanila, naging matatakutin.
Ang ageing ay may malaki rin ang epekto hindi lamang sa health systems ng ating lipunan, pati na rin sa workforce. Alam niyo kapanalig, ang mga bansa sa Asya ay karaniwang source ng manpower para sa iba’t ibang industriya At sa pagtanda ng mga mamamayan, makakaranas ang maraming bansa sa Asya ng shortage ng workforce. Mas makikita ang ganitong pagbabago sa demograpiya sa East Asia at Pasipiko. Ayon sa World Bank, mahigit pa sa 211 milyong tao may edad 65 pataas ay nasa East Asia at Pasipiko noong 2010. At sa pagitan ng 2015 at 2034, tataas pa ang older population ng mga 22% kada limang taon sa East Asia. Dito sa ating bansa, halos 40% ng ating populasyon ay magiging seniors pagdating ng 2035. Medyo ageing na rin ang populasyon natin.
Kapanalig, umiikli ang panahon natin upang paghandaan ang mga pagbabagong ito sa ating lipunan. Napakahalaga na habang bumabangon ang ating ekonomiya sa hagupit ng pandemya, ay ating din napapatatag ang mga health systems, at employment sa ating bansa. Kailangan ng ating pamahalaan na tingnan hindi lamang ang mangyayari sa loob ng kanilang termino, kundi ang komprehensibong kapakanan ng bansa. Ang mga pangaral mula sa Mater et Magistra ay angkop sa temang ito: tungkulin ng pamahalaan na protektahan ang karapatan ng mga mamamayan, lalo na ng mga mas mahinang miyembro nito. Hindi dapat talikuran ng pamahalaan ang pagpapabuti ng kondisyon ng lahat ng mamamayan nito, ano pa man ang kanilang edad.
Sumainyo ang Katotohanan.