2,077 total views
Ilulunsad ng humanitarian, development, at advocacy arm ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines ang isang pagtitipon bilang paggunita sa ika-50 anibersaryo ng Alay Kapwa.
Ito ang “Sa Kapwa Ko ay Alay: 50 Taon ng Pag-asa”, na isasagawa bukas, Hunyo 4, 2025, ganap na alas-10 ng umaga, sa Buenaventura Garcia Paredes, O.P. Building (BGPOP) sa University of Santo Tomas, España, Manila.
Ayon sa Caritas Philippines, layunin ng gawain na hikayatin ang hindi bababa sa isang milyong Alay Kapwa partners upang ipagpatuloy ang misyon ng pagkakawanggawa at pagbabahagi para sa kapwa, lalo na sa mga higit na nangangailangan.
Tampok sa programa ang bandang Ben&Ben, sa pangunguna nina Paolo at Miguel Benjamin, kasama ang iba pang miyembro ng banda, bilang Alay Kapwa Mission Advocates.
Bukod sa pagbabahagi ng mensahe ng pag-asa at pakikiisa sa misyon ng simbahan, itatanghal din ng banda ang “Sa Kapwa Ko ay Alay”—ang official theme song para sa ikalimang dekada ng Alay Kapwa, na isinulat ni Robert Labayen at nilapatan ng musika ni Jonathan Manalo.
Pagbabahagi ng Caritas Philippines, ang gawain ay hindi lamang pagdiriwang, kundi panawagan sa mas malawak na pakikiisa ng publiko, lalo na ng mga kabataan, upang maipagpatuloy ang mga proyektong panlipunan sa ilalim ng Alay Kapwa Program.
Unang ilunsad ng CBCP ang Alay Kapwa noong 1975 bilang programa tuwing Kuwaresma, upang mangalap ng tulong para sa mga nangangailangan.
Noong 2021, pinalawak ito ng Caritas Philippines sa buong taon upang suportahan ang 7 Alay Kapwa Legacy Programs na nakatuon sa edukasyon, kalusugan, kabuhayan, kalikasan, pagtugon sa kalamidad, katarungan at kapayapaan at mabuting pamamahala, at kasanayan.




