3,769 total views
Nanawagan si Vatican Dicastery for Evangelization Pro-Prefect Luis Antonio Cardinal Tagle sa mga lider, lingkod-bayan, at tagapaglingkod ng Simbahan na iwasan ang pagkukunwari at yakapin ang kababaang-loob sa pamumuno.
Sa kanyang mensahe, binigyang-diin ng kardinal na ang hypocrisy o pagkukunwari ay nagtutulak sa isang tao na magpanggap na alam niya ang lahat, kahit sa katotohanan ay hindi sapat ang kanyang kaalaman, lalo na sa harap ng mga hamon ng makabagong panahon.
Ibinahagi ito ni Cardinal Tagle sa kanyang keynote address sa isinagawang Serviam Servant Leadership Conference ng Serviam Catholic Community Foundation, Inc. na may temang “Servant Leaders as Pilgrims of Hope,” sa La Salle Green Hills, Mandaluyong City noong July 12, 2025.
“Hypocrisy leads us to pretend that we know everything. But in reality—walking humbly—makes us admit with calm that you do not know everything,” ayon kay Cardinal Tagle.
Pinaalalahanan ng kardinal ang mga pinuno na huwag ikahiya ang limitasyon ng kaalaman, at sa halip ay makipaglakbay at makipagtulungan sa iba na mayroong sapat na talino at kasanayan.
Tinukoy ni Cardinal Tagle na ang ganitong pananaw ay tanda ng pagiging magkakasamang manlalakbay tungo sa iisang layunin, kung saan ang lider ay hindi nangingibabaw kundi nagpapakumbaba at nagbibigay-daan sa pag-unlad ng bawat isa.
“We need to journey with others, we need collaborators, for our collaborators sometimes know more than we do. So, we need them and we should not be ashamed to let them know that we need them. As you exercise your authority, acknowledge also the valuable contribution of your co-pilgrims so that they will assume more responsibility,” paalala pa ng kardinal.
Dalangin ng kardinal na sa pagdiriwang ng Taon ng Hubileo ng Pag-asa, ang mga lingkod ng Simbahan ay magpatuloy sa pagiging tapat, mapagpakumbaba, at mapaglingkod na pinuno na handang magsakripisyo, makinig, at maglakbay kasama ang bayan ng Diyos tungo sa kapayapaan at kabuuang pagbabagong-loob.
Samantala, bukod kay Cardinal Tagle, nagbahagi rin ng kaalaman at inspirasyon sa gawain sina 2024 Synod delegate at lay theologian Dr. Estela Padilla; Rappler Religion Reporter Paterno Esmaquel II; Senator Risa Hontiveros; Businessman Avin Ong; actor Dingdong Dantes, at maging si Catholic Bishops’ Conference of the Philippines president, Kalookan Bishop Pablo Virgilio Cardinal David.
Nagtapos ang conference sa pamamagitan ng Banal na Misa na pinangunahan ni Manila Archbishop Jose Cardinal Advincula, katuwang sina Serviam spiritual director, Fr. Anton Pascual, at Quiapo Church rector and parish priest, Fr. Jade Licuanan.