Ano ang lagay ng mga batang babae?

SHARE THE TRUTH

 295 total views

Mga Kapanalig, idineklara ng United Nations ang ika-11 ng Oktubre bilang International Day of the Girl Child. Ito ay upang kilalanin ang mga karapatan ng mga batang babae sa buong mundo at bigyang-pansin ang mga hamong kinahaharap nila. Bagamat mayroon nang pagkilala sa karapatan at kapakanan ng mga batang babae sa iba’t ibang panig ng mundo, marami pa rin sa kanila ang nananatiling nasa dehadong kalagayan. Maraming batang babae ang hindi nakakapag-aral o tumigil na sa pag-aaral. Marami ang walang access sa mga serbisyong mangangalaga sa kanilang kalusugan at kalinisan ng katawan. Marami rin ang biktima ng pang-aabuso at karahasan.

Ayon sa Sustainable Development Goals Report 2022, tinatayang madaragdagan ng 10 milyong batang babae ang magiging child brides o mga batang babaeng ikinakasal pagsapit ng 2030. Dagdag ito sa inaasahang 100 milyong batang babae na nanganganib din maging child brides bago pa man ang pandemya. Sa datos noong 2021, isa sa limang batang babae ang ikinakasal bago pa sila tumuntong ng edad 18.

Sa usapin ng edukasyon, kabilang ang mga batang babae sa 147 milyong batang hindi nakapag-aral nang maayos sa nakalipas na dalawang taon. Lubhang naapektuhan ang pag-aaral ng nila ng pagsasara ng mga paaralan dahil sa pandemya. Maliban sa kahirapan, hadlang din sa pagpasok nila sa paaralan ang tipikal o karaniwang papel ng mga batang babae sa loob ng tahanan. Sila ang madalas inaatasang tumulong sa mga gawaing-bahay at mag-alaga sa mga nakababata nilang kapatid.

Hindi rin sila ligtas mula sa panganib na dulot ng child labor. Nasa 63 milyon sa 160 milyong child laborers ay mga batang babae.

Sa Pilipinas, talamak din ang isyu ng maagang pagbubuntis at ang online sexual abuse and exploitation of children, kung saan mga batang babae ang karaniwang biktima.

Sa naturang mga sitwasyon ng mga batang babae, walang dapat sayanging panahon ang mga tao at institusyong dapat kumakalinga sa kanila. Gaya ng wika sa Mga Awit 127:3, “ang mga bata ay pagpapala at gantimpalang mula sa Panginoon”. Kailangan nila ng suporta at proteksyon na responsibilidad at tungkulin ng kanilang pamilya, ng pamahalaan, at ng buong pamayanan, kabilang ang Simbahan. Maliban sa kalinga, suporta, at proteksyon, mahalaga rin ang pakikinig sa kanilang mga opinyon at saloobin, ang pagsagot sa kanilang mga tanong, at ang paglalaan ng espasyo kung saan malaya silang makapagpapahayag ng kanilang sarili at makapag-aambag sa mga bagay na may kinalaman sa kanila.

Katulad ng mensahe ni Pope Francis sa kanyang ensiklikal na Fratelli Tutti, dapat laging bukás at handang makinig sa ibang pananaw ang mga nasa pamahalaan nang sa gayon ay walang naiiwan sa kanilang nasasakupan at pinaglilingkuran. Isa sa mga paraan upang mabigyang-pansin at matugunan ng mga kinauukulan ang mga isyung kinakaharap ng mga bata ay ang pagsasaalang-alang sa proseso ng child participation o makabuluhang pakikilahok ng mga bata sa mga programa at proyektong para sa kanilang kapakanan. Sa pamamagitan nito, maibabahagi ng mga batang babae ang kanilang saloobin at opinyon sa mga isyung apektado sila.

Mga Kapanalig, dapat pagtuunan ng atensyon ang mga salik at isyung nakaapekto sa kabuuang pag-unlad ng mga batang babae. Mahalagang tugunan, lalo na ng Estado, ang mga hamong kinahaharap ng mga batang babae sa bansa. Kailangang palakasin ang mga programa at mga serbisyong magsisilbing daan sa pagpapalakas ng kumpiyansa sa sarili ng bawat batang babae. Kailangan ang mahigpit at epektibong pagpapatupad ng batas na sasanggalang sa kanila mula sa kapahamakan at karahasan nang sa gayon ay mapabuti ang kapakanan ng bawat batang babae. Kung naibibigay ang kinakailangang suporta at oportunidad sa kanilang paglaki at paglago, malaki ang maiaambag nila sa ikauunlad ng lipunang kanilang kinabibilangan.

Sumainyo ang katotohanan.    

Veritas Editorial

Rev. Fr. Anton CT Pascual

Rev. Fr. Anton CT Pascual

BSKE 2025

 32,230 total views

 32,230 total views Mga Kapanalig, katatapos lang ng midterm national and local elections pero may pang isang halalan sa taóng ito. Isasagawa sa Disyembre ang Barangay

Read More »

Anong pinagtataguan mo?

 43,235 total views

 43,235 total views Mga Kapanalig, gaano kalayo ang kayang takbuhin ng isang tao para makaiwas sa pananagutan? Sa kaso ng dating tagapagsalita ni dating Pangulong Duterte

Read More »

To serve and protect

 51,040 total views

 51,040 total views Mga Kapanalig, para sa Catholic social teaching na Gaudium et Spes, ang mga awtoridad ay obligadong ipatupad ang batas alinsunod sa kung ano

Read More »

TOO MUCH GENERAL EDUCATION

 67,015 total views

 67,015 total views Quality education, kailan kaya natin ito makakamit Kapanalig? Taon-taon, nahaharap sa maraming problema ang sektor ng edukasyon sa bansa., kabilang dito ang hindi

Read More »

AUGUST CHAMBER

 82,205 total views

 82,205 total views The Filipino people have the right to know the truth! Noong 1916, itinatag ang tinaguriang AUGUST chamber o Senate of the Philippines. Nagsilbi

Read More »

Related Story

Latest Blog
Rev. Fr. Anton CT Pascual

BSKE 2025

 32,231 total views

 32,231 total views Mga Kapanalig, katatapos lang ng midterm national and local elections pero may pang isang halalan sa taóng ito. Isasagawa sa Disyembre ang Barangay

Read More »
Latest Blog
Rev. Fr. Anton CT Pascual

Anong pinagtataguan mo?

 43,236 total views

 43,236 total views Mga Kapanalig, gaano kalayo ang kayang takbuhin ng isang tao para makaiwas sa pananagutan? Sa kaso ng dating tagapagsalita ni dating Pangulong Duterte

Read More »
Latest Blog
Rev. Fr. Anton CT Pascual

To serve and protect

 51,041 total views

 51,041 total views Mga Kapanalig, para sa Catholic social teaching na Gaudium et Spes, ang mga awtoridad ay obligadong ipatupad ang batas alinsunod sa kung ano

Read More »
Latest Blog
Rev. Fr. Anton CT Pascual

TOO MUCH GENERAL EDUCATION

 67,016 total views

 67,016 total views Quality education, kailan kaya natin ito makakamit Kapanalig? Taon-taon, nahaharap sa maraming problema ang sektor ng edukasyon sa bansa., kabilang dito ang hindi

Read More »

Latest Blogs

Scroll to Top