179 total views
Inilabas na ng Alyansa Tigil Mina ang resulta ng kanilang pagsisiyasat sa katayuan ng mga Presidential candidates sa usapin ng pagmimina.
Inihayag ni Jaybee Garganera national coordinator ng ATM na sina Presidential candidates Jejomar Binay, Grace Poe, Rodrigo Duterte at Mar Roxas ay pabor sa pagmimina at nakatatanggap ng pinansyal na suporta mula sa mga mining companies.
Ayon kay Garganera, ang resulta ng kanilang pagsasaliksik sa track records ng mga kandidato ay magandang gabay sa mapanagutang pagboto ng bawat mamamayan.
Gayunman, bagamat malinaw na ipinakikita dito ang mga kandidatong pabor at hindi pabor sa pagmimina, dapat pa rin aniyang timbangin ng mamamayan ang iba pang katayuan ng isang kandidato sa ibang usapin tulad ng Human Rights Violation, Corruption o Same Sex Marriage.
“Yung pagiging environmentalist at makakalikasan ay isa lamang sa maraming pwedeng panukat … Maganda yung pagiging green pero baka mahirap tanggapin kung bloody red naman, so yung kabuuan na yun, environmentalist, pero tignan natin yung human rights records, tignan natin yung corruption index, tignan natin yung openness nya sa people’s participation kasi yung rule of law is good pero nakalagay din sa constitution natin may papel ang mga ordinaryong mamamayan mga civil society, na mag-ambag at maging bahagi dun sa pagtatalakay kung anu ba yung porma ng kaunlaran natin.” Pahayag ni Garganera sa Radyo Veritas.
Narito ang buong resulta ng pag-aaral ng Alyansa Tigil Mina sa Track Records ng mga Presidential Candidates kaugnay sa pagmimina.
Sa pag-aaral ng ATM, tanging si Senador Miriam Defensor-Santiago lamang ang may malasakit sa kalikasan sa pamamagitan ng pagpa-imbestiga nito sa illegal mining operations sa Sierra Madre at Saranggani province.
Ayon sa ATM, priority ni Binay na buksan ang mining industry sa bansa kapag nahalal na pangulo ng Pilipinas habang si Senador Grace Poe ay sumusuporta sa pagsasabatas ng Extractive Industry Transparency Initiative at tumanggap ito ng 10-milyong donation mula kay Thomas Tan, isa sa mga board of directors ng SMC.
Habang natuklasan ng ATM na sangkot si Mar Roxas sa SR Mining Inc. sa CARAGA region at pabor naman si Mayor Duterte sa mining investment sa bansa.