222 total views
Hinimok ng Association of Major Religious Superiors of the Philippines ang mga botante na bukod sa masusing pagsusuri sa mga kandidato ay marapat ring gamitin ang puso sa pagpili ng lider sa nakatakdang halalang pambansa sa ika-9 ng Mayo, 2016.
Ayon kay Sr. Cress Lucero – AMRSP- National Justice, Peace and Integrity of Creation Commission Coordinator, dapat na maging ganap ang pagpili ng mga botante sa mga kandidatong may prinsipyo, integridad, puso at paninindigan.
“Ngayong eleksyon na ito yun ang pag-isipan natin, ilagay natin ang puso sa tamang lugar sana ang ating mga nakikinig na mga Kapanalig ay talagang seryosong pag-isipan kung sino ang iboboto nila, sino ang ilalagay nila sa posisyon ng presidente, bise presidente, mga senador natin at congressman na mga tao na mayroong prinsipyo, may integridad at may puso.”pahayag ni Sister Lucero sa Radio Veritas.
Batay sa Commission on Election Resolution No. 10002, mayroong 18,083 posisyon ang bukas para sa panunungkulan at pamumuno ng mga bagong lider ng pamahalaan, kabilang na ang posisyon sa pagkapangulo, pangalawang pangulo, 12 senador, 59 na partylist representatives at higit sa 18-libong posisyon sa lokal na pamahalaan.
Sa tala ng COMELEC, 54.6-milyon ang rehistradong botante at batay sa National Youth Commission, 40-porsyento dito ay mga kabataang edad may 18 hanggang 30 taong gulang bukod ang 1.4 milyong Overseas absentee voters na malaki ang maaring maging papel sa nakatakdang 2016 National at Local Elections.
Patuloy na umaapela ang Simbahang Katolika sa mga kandidato na ibalik at bigyang dangal ang halalan sa pamamagitan na rin ng pagsunod sa mga batas at hindi paninira sa kapwa kandidato ngayong panahon ng kampanya kung saan kaagapay na rin nito ang pagtupad sa kanilang mga binitawang pangako kung sila ay mahalal.