8,728 total views
Muling ipinamalas ng Vincentian Foundation ang diwa ng pagkakawanggawa at pagmamalasakit sa mga mamamayang apektado ng pagbaha dahil sa habagat na unang pinaigting ng nagdaang Bagyong Crising.
Noong July 21 ay binuksan ng foundation ang kanilang Bamboo Housing Community para sa mga residenteng lumikas mula sa kanilang mga tahanan dahil sa walang humpay na pag-ulan.
Umabot sa mahigit 700 indibidwal ang kinanlong ng Vincentian Foundation mula sa 200 mga pamilya.
Katuwang ng foundation sa pagtulong ang lokal na pamahalaan at mga opisyal ng barangay na nagbigay ng banig para sa mas maayos na matutulugan gayundin ang iba pang pribadong grupo na naghatid ng mga pagkain.
“Efforts to support the evacuees have come from multiple sectors,” ayon sa pahayag ng Vincentian Foundation sa pamumuno ni Fr. Geowen Porciuncla, CM.
Nagpaabot din ng tulong ang Tanging Yaman Foundation sa pamumuno nina Fr. Manoling Francisco, SJ at Fr. Bong Sarabia, CM kabilang na ang labindalawang kaban ng bigas, mga de lata gayundin mga sariwang gulay na direktang binili sa mga lokal na magsasaka sa iba’t ibang rehiyon.
Nakalikom din ang foundation ng sampung libong cash donations at 55-libong pisong halaga ng inkind donations mula sa 12 donors.
Apela ng Vincentian Foundation sa publiko na suportahan ang kanilang kawanggawa sa pamamagitan ng pagdadala ng tulong sa St. Vincent Seminary sa Tandang Sora Avenue, Quezon City upang ipamahagi sa mga nasalanta ng kalamidad.
Una nang tiniyak ng mga simbahan sa bansa ang kahandaang lulmingap sa mga mamamayang apektado ng mga kalamidad kabilang na ang pagbubukas sa mga simbahan bilang pansamantalang matutuluyan.
Nakipag-ugnayan na rin ang Caritas Manila sa mga social action centers ng mga apektadong diyosesis at mga parokya para sa paghahatid ng relief goods.