76,382 total views
Kapanalig, ang mga bata ngayon pinanganak na halos kakambal na ang kanilang mga cellphone o tablets. Maraming mga bata ngayon, kahit mga toddlers pa lamang, ay atin ng nakikita na nagsa-swipe dito sa swipe doon gamit ang mga cellphone. Kung dati sinasabi na ang TV ang babysitters ng mga bata, ngayon, mga smartphones na.
Ang digital age ay may dala-dalang biyaya at kapahamakan sa ating mga kabataan. Dahil sa mga teknolohiya ng digital age, mas marami ng learning tools at materials ang mga bata ngayon. Pero tama ba na humawak agad sila ng gadgets kahit mga baby at toddlers pa lamang sila?
Alam mo ba kapanalig, ayon sa isang survey sa mga batang may edad 4 hanggang 16 sa ating bansa, 84% ang mas pinipili ang smartphone kaysa TV ngayon. Sa internet na rin nila nalalamang ang mga impormasyong interisante sa kanila, gaya ng mga laruan, pati mga bagong shows o programa. Nagpapatunay ito na sila ay mga digital natives na.
Dahil sa digital age, marami ng sources of information ang mga kabataan, at napakadali na nila itong makuha. At the tip of your fingers, ika nga. Ang laking biyaya nito, kapanalig, lalo na sa ating bansa kung saan kulang mga libro at pasilidad sa maraming paaralan sa ating bayan. Mas marami na sa ating mga kabataan ang nagkaroon ng access to information and knowledge.
Kaya lamang kapanalig, sa kabila ng biyaya na ito, may mga kapahamakan din na dala ang internet. Kadalasan, unfiltered information ang nakukuha ng mga kabataan dito. Maraming mga impormasyon at graphic images ang maaari nilang makuha na hindi angkop sa kanilang murang edad at isip. Kaya’t huwag sana natin kaligtaan na may kaakibat na responsibilidad ang pagtuturo at pagpalaki ng kabataang Pilipino sa digital age. Mahalaga ang tamang gabay upang maging mapanuri at responsable ang mga bata sa sa kanilang pag-gamit ng teknolohiya.
Huwag rin sana natin ipagamit ang mga smartphones sa mga toddlers at preschoolers. Sa edad na ito nahuhulma ang kanilang pag-iisip pati ang kanilang pananalita. Kung cellphone lagi ang kanilang kasama at kausap, ating binabansot ang development ng mga bata. Ayon sa isang pag-aaral, mga 90% ng mga batang may speech delay ay gumagamit ng electronic devices. May isang pag-aaral din na nagsasabi na ang paggamit ng smartphones sa murang edad ay hadlang sa socio-emotional development ng bata.
Kapanalig, digital natives man ang mga bata ngayon, pero hindi natin dapat sila pababayaan na nakatutok lamang sa mga gadgets nila, lalo na’t nasa murang edad pa lamang. Kailangan turuan natin sila ng wastong paggamit ng teknolohiya para sa kanilang kagalingan at proteksyon. Kung ating magagawa ito, magagabayan natin sila upang higit nilang maunawaan ang pag-gamit ng iba’t ibang digital platforms na magpapatalas ng kanilang kakayahan at kaalaman, at mailayo sila sa mga unsafe online spaces. Huwag natin ipalit ang cellphone sa human contact. Huwag nating gawing substitute parents ang mga smartphones. Panawagan ni Pope Francis sa ating lahat: “Our eyes are meant to look into the eyes of others. They were not made to look down at a virtual world that we hold in our hands.”
Sumainyo ang Katotohanan.