11,989 total views
Inihayag ni Antipolo Bishop Ruperto Santos na isang mahalagang pagkakataon at yugto ng pananampalataya ang taon ng hubileyo ng diyosesis sa pagdiriwang ng ika – 400 anibersaryo ng pagdating at ika – 100 anibersaryo ng canonical coronation ng Nuestra Señora de la Paz y Buen Viaje.
Ayon sa obispo,ang mga pagdiriwang ay patunay sa dakilang habag at pag-ibig ng Diyos sa mananampalataya sa pamamagitan ng makainang pagkalinga ng Mahal na Birhen.
“These are not simply anniversaries. They are milestones of faith,chapters of grace, and reminders of how God has journeyed with us through the loving guidance of our Ina. For four centuries, countless pilgrims have come to Antipolo seeking protection, healing, and hope,” ayon kay Bishop Santos.
Binigyang-diin ng obispo na sa loob ng apat na siglo, ang debosyon sa Mahal na Ina ay patuloy na naging sandigan ng pananampalataya ng mga mamamayan hindi lamang sa Rizal kundi maging sa buong bansa at mga dayuhan.
Sinabi ng Obispo na nanatiling sentro ng panalangin at pag-asa ang mga Mahal na Birhen ng Antipolo lalo na sa mga migrante at mga Pilipinong naghahanap buhay sa ibayong dagat na malayo sa pamilya gayundin sa mga may karamdaman na humihiling ng kagalingan.
Dagdag pa ni Bishop Santos, sa loob ng isang daang taon mula nang koronahan ang imahe ng Mahal na Ina, kinilala itong Reyna at Ina hindi lamang ng Antipolo kundi ng lahat ng mga taong humihingi ng patnubay sa kanilang paglalakbay sa buhay.
“For one hundred years since her coronation, Mary has been honored as Queen and Mother, not only of Antipolo, but of all who entrust their voyages, their families, and their lives to her care,” aniya.
Ipinaliwanag din ng obispo ang tema ng jubilee year na “Paglalakbay. Pag-aakay. Pag-aalay” na ayon sa kanya ay sumasalamin sa kasaysayan at misyon ng debosyon sa Mahal na Ina.
“Our theme for this jubilee year beautifully captures this sacred history,” ani Bishop Santos.
Inilarawan ng obispo na ang pananampalataya ay isang paglalakbay kung saan patuloy na ginagabayan at inaakay ni Maria ang kanyang mga anak tungo sa landas ni Hesukristo.
Kaugnay nito magkakaroon ng malawakang programa ang diyosesis para sa buong taong pagdiriwang na layong higit pang mapalalim ang pananampalataya ng mga deboto at maipakita ang kahalagahan ng debosyon.
“Throughout this year, we will hold a series of pilgrimages, spiritual and corporal acts of mercy, catechetical programs, historical exhibits, and liturgical celebrations,” giit ni Bishop Santos.
Tiniyak ni Bishop Santos na kasabay ng pagpapaigting sa pananampalataya ang pagpapalakas ng diyosesis sa mga gawaing panlipunan tungo sa iisang misyon.
“We will also strengthen our outreach to the poor, the youth, and the marginalized; because true devotion always leads to mission,” giit ng obispo.
Hiling ni Bishop Santos sa mananampalataya na makilakbay at gawing makabuluhan ang pagdiriwang ng taon ng hubileyo ng diyosesis kasabay ng panalangin na muling akayin ng Mahal na Ina tungo sa kapayapaan, mabuting paglalakbay, at mas malalim na pananampalataya.
“As we begin this year-long celebration, I invite everyone, devotees, pilgrims, families, and communities, to journey with us,” ani Bishop Santos.
Ibinahagi din ng Obispo na bibisitahin ng pilgrim image ng birhen ng Antipolo ang iba’t-ibang diyosesis sa Pilipinas at maging sa ibayong dagat.
Layon nitong mapalaganap pa ang pananampalataya kay Nuestra Señora de la Paz y Buen Viaje.
Batay sa kasaysayan, noong 1578 dumating ang mga Franciscano bilang unang misyonerong nagsagawa ng ebanghelisasyon sa lalawigan ng Rizal. Noong 1626, dumaong sa bansa ang galleon El Almirante mula Acapulco, Mexico bitbit ang imahe ng Birhen ng Antipolo.
Taong 1633 nang ipagkatiwala ang imahe sa mga Heswita sa San Ignacio Church sa Maynila.
Noong 1639, sa panahon ng Chinese uprising, sinunog ang Antipolo subalit nanatiling buo ang imahe sa kabila ng mga tama ng sibat at itak, mga bakas na itinuturing na tahimik na saksi ng proteksyon ng Diyos.
Mula 1641 hanggang 1746, sinamahan ng imahe ang limang galyon sa pitong mapayapang paglalayag sa pagitan ng Maynila at Acapulco, dahilan upang kilalaning pintakasi ng mga manlalakbay.
Sa panahon ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig, pansamantalang inilagak ang imahe sa Sitio Colaique bago dalhin sa St. John the Baptist Parish sa Quiapo, na ngayon ay Minor Basilica and National Shrine of Jesus Nazareno.
Noong 1945, tuluyan itong naibalik at nailuklok sa dambana ng Antipolo Cathedral.




