7,201 total views
Nanawagan si Bayombong Bishop Jose Elmer Mangalinao sa mga halal na opisyal ng lalawigan ng Nueva Vizcaya na manindigan laban sa karahasang nararanasan ng mga tagapagtanggol ng kalikasan sa Barangay Bitnong, Dupax del Norte.
Ayon kay Bishop Mangalinao, kailangang marinig ang tinig ng mga lider ng lalawigan, partikular nina Nueva Vizcaya Governor Jose Gambito at Vice Governor Eufemia Dacayo, upang ipagtanggol ang katarungan at kapakanan ng mga mamamayang nagsusulong ng pangangalaga sa kalikasan laban sa mapaminsalang pagmimina.
“Kailangan namin ngayon ang inyong tinig laban sa karahasang ginagawa ng mga pulis sa mga nagtatanggol sa kalikasan sa Barangay Bitnong, Dupax del Norte. Kailangan namin ng halal ng bayan na titindig para sa katarungan para sa kalikasan at sambayanan,” pahayag ni Bishop Mangalinao.
Binatikos din ng obispo ang pagkiling ng mga batas at proseso ng pamahalaan sa mga kumpanya ng pagmimina, lalo sa Woggle Corporation, na nabigyan ng Temporary Restraining Order (TRO) para ipagpatuloy ang operasyon sa mahigit 3,100 ektaryang lupaing sakop ng limang barangay sa Dupax del Norte.
Iginiit ni Bishop Mangalinao na hindi dapat isakripisyo ang kaligtasan at kabuhayan ng mga mamamayan kapalit ng pansamantalang pakinabang mula sa pagmimina.
Aniya, sa gitna ng patuloy na pagbaha, lindol, at bagyo, nararapat lamang na unahin ng pamahalaan ang pangangalaga sa kalikasan at kapakanan ng mga pamayanan, sa halip na magbigay ng pahintulot sa mga gawaing magdudulot ng mas matinding pinsala.
“Why is this mining company—[Woggle Corporation]—so favored? Ano ang kanilang ibinigay? Ano ang kanilang inaalok? Ano ang pangakong yaman na hindi matanggihan?,” saad ni Bishop Mangalinao.
Bukod sa Woggle Corporation, patuloy ring binabantayan ng Diyosesis ng Bayombong ang operasyon ng OceanaGold Philippines, Inc. (OGPI) sa Brgy. Didipio sa Kasibu, na natapos ang 25-taong mining permit noong 2019, ngunit muling binigyan ng karagdagang 25-taong pahintulot ng Office of the President noong 2021.
Itinuturing ang Nueva Vizcaya bilang “watershed haven” dahil sa mga likas nitong yaman na tumutugon sa pangangailangang patubig para sa agrikultura at kabuhayan ng lalawigan at karatig na mga rehiyon.