22,992 total views
Mga Kapanalig, “ber months” na!
Para sa ilan sa atin, ang unang araw ng Setyembre ay hudyat na papalapít na ang Kapaskuhan. Nagsisimula na ba kayong mag-ipon para sa inyong mga reregaluhan? Para makapag-ipon, kailangang magbadyet nang maaga. Kailangang magbadyet nang maayos.
Maaga (at sana ay maayos din) na nagbabadyet ang pamahalaan, hindi para sa Pasko pero para sa susunod na taon. Nagsimula na ang budget season ng Kamara pagkatapos isumite ng Department of Budget and Management (o DBM) ang National Expenditure Program (o NEP). Nakapaloob sa NEP ang kinakailangang pondo ng mga ahensya para maisakatuparan ang kani-kanilang mga programa at proyekto.
Ang NEP para sa 2026 ay nagkakahalaga ng halos 6.8 trilyong piso, mas mataas ng 7.4% kaysa ngayong 2025. Ang tatlong sektor na prayoridad sa badyet ay ang edukasyon, public works o mga imprastruktura, at kalusugan. Sa kanyang mensahe sa NEP, sinabi ni Pangulong Bongbong Marcos Jr na hangarin ng panukalang badyet na patuloy na paglaanan ng pondo ang mga programang naghahatid ng mga batayang pangangailangan ng mga Pilipino katulad ng edukasyon, kalusugan, at pagkain.
Pero kaakibat ng badyet na ito ay ang pangungutang. Inaasahang mangungutang ang ating pamahalaan ng 2.68 trilyong piso, ilang bilyong piso na mas malaki kaysa sa inutang nating 2.60 trilyong piso para ngayong taon. Sa kasalukuyan, record-breaking na ang halaga ng utang natin—nasa 17.27 trilyong piso na ito! Inaasahang aakyat pa ito sa 19.06 trilyong piso sa susunod na taon. Hindi naman masama ang umutang, pero ibang usapan na kung lubog tayo sa utang.
Nakadidismaya ang realidad na ito tungkol sa ating pambansang pondo. Trilyun-trilyon na nga ang badyet, hindi pa rin sapat. Lumolobo pa ang ating utang. Ang mas nakasasama pa ng loob, walang habas na kinukurakot ang kaban ng bayan, katulad ng nangyari sa mga palpak na flood-control projects. Napupunta lang sa bulsa ng mga tiwali—kasama ang kanilang maluluhong pamilya—ang pinaghirapan nating buwis. Grabeng pagkaganid ito!
Sa ganitong mga pagkakataon, hinahamon tayo ng Simbahan na sikaping baguhin ang mga makasalanang istruktura sa ating lipunan—o sinful social structures. Kasama sa mga sinful social structures na ito ang mga sistema sa ating pulitika at ekonomiya na nagpapababa sa dignidad ng tao, nagpapalaganap ng kahirapan, at nagpapanatili ng kawalang-katarungan. Halimbawa nito ang korapsyon na lantarang ginagawa ng mga nasa poder sa pulitika at ekonomiya, daíng ni Pope Benedict XVI sa Caritas in Veritate. Hindi na ito bago sa atin.
Pero kung hahayaan nating magpatuloy ang korapsyon at tatanggapin natin ito na normal nang bahagi ng pamamahala sa ating bansa, huwag tayong umasang sasapat ang trilyun-trilyong badyet ng gobyerno. Huwag tayong umasang hindi na tayo uutang para punuan ang kakulangan. Huwag tayong magtaka kung bakit palpak ang mga proyektong ipinatatayo ng gobyerno at kung bakit marami pa rin ang hindi makakain nang maayos. Huwag tayong magalit kung lulustayin lang ang perang pinaghirapan natin. Tiisin natin ang epekto ng pagbubulag-bulagan natin sa pagnanakaw sa kaban ng bayan.
Kaya mga Kapanalig, kung ayaw nating mangyari ang mga ito, maging alisto tayo sa inihahandang national budget ngayong budget season. Sa ating mga lider naman, binabalaan kayo ng Panginoon na huwag maging ganid at sakim. Sabi nga sa Lucas 12:15: “mag-ingat kayo sa lahat ng uri ng kasakiman, sapagkat ang buhay ng tao ay wala sa dami ng kanyang kayamanan.” Maging tapat po sana kayo sa inyong tungkuling protektahan at gamitin sa tama ang pera ng taumbayan. Tama na ang pagnanakaw nang hindi pa lumobo ang utang na mamanahin ng mga susunod na henerasyon ng mga Pilipino. Budget and spend responsibly!
Sumainyo ang katotohanan.