2,003 total views
Hinikayat ng Kanyang Kabunyian Manila Archbishop Jose Cardinal Advincula ang mamamayan na paigtingin ang pagbabahagi sa turo ng simbahan lalo na sa kasalukuyang henerasyon.
Hinimok din ng cardinal ang mga magulang bilang may malaking tungkulin na ipalaganap ang katesismo lalo’t sila ang kauna-unahang tagapagturo sa mga kabataan.
Sa pagdiriwang ng 400 Years of Christianity ng Palawan noong August 25, binigyang diin ni Cardinal Advincula ang tungkulin ng bawat binyagan sa pakikibahagi sa misyon ni Kristo.
“Parents are the first catechists of their children. You are the first missionaries at home. You are the first to introduce God to your childre.” bahagi ng mensahe ni Cardinal Advincula.
Napapanahon din ang mensahe ng arsobispo sa pagdiriwang ng simbahan sa National Catechetical Month ngayong Setyembre sa temang ‘Revitalizing the gifts of being, becoming, and belonging to the Ministry of Catechists’ kung saan binibigyang pagkilala ang mga katekistang katuwang ng simbahan sa pagpapalaganap ng turo ng simbahan sa mga paaralan at pamayanan.
Naniniwala si Cardinal Advincula na ang paghubog sa pananampalataya ng mga kabataan ay nagsisimula sa bawat tahanan kaya’t mahalagang maipakilala sa bawat bata si Hesus kasama ang katuruan ng simbahan.
Nananawagan din ang opisyal sa mga layko na maging aktibong katekista sa mga parokya at gampanan ang tungkuling misyonero na nagbabahagi ng Mabuting Balita sa lipunan.
Pinamumunuan ng CBCP – Episcopal Commission on Catechesis and Catholic Education ang pagdiriwang ng catechetical month bilang paggunita na rin kay San Lorenzo Ruiz ang pintakasi ng mga katekista at unang Pilipinong santo na pinaslang dahil sa paninindigan at pagbabahagi ng pananampalataya sa lipunan.
Ayon sa nakalap na datos ng National Catechetical Studies may humigit kumulang sa 50-libo lamang ang mga katekista sa Pilipinas na katuwang sa pagtuturo sa 80-milyong katoliko sa bansa.