2,172 total views
Dismayado ang development and advocacy arm ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) sa pagbasura ng Sandiganbayan sa ill-gotten wealth case laban kay dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr. at mga kaibigan at cronies nito.
Ayon kay Kidapawan Bishop Jose Colin Bagaforo – national director ng Caritas Philippines, nakababahala ang desisyon ng fifth division ng Sandiganbayan sa kasong plunder laban sa dating pangulong diktador.
Itinuturing ng Obispo ang desisyon ng Sandiganbayan na isang ‘major setback’ para sa mamamayang Pilipino na tila ninakawan na rin ng kinabukasan.
“We are disappointed and alarmed by the recent ruling from the Sandiganbayan’s fifth division regarding the former dictator’s acquisition of ill-gotten wealth. This decision is a major setback for the Filipino people, who have already been robbed of a better future and are currently experiencing high levels of poverty, as well as rising prices for basic necessities, education, and healthcare.” pahayag ni Bishop Bagaforo sa Radyo Veritas.
Nanawagan naman si Bishop Bagaforo sa mga ahensya ng pamahalaan na nangangasiwa sa pagbibigay katarungan sa mga kaso ng katiwalian sa bansa na ipagpatuloy ang masususing pangangalap ng mga impormasyon at ebidensya upang tuluyang maisakdal ang mga tiwaling opisyal ng bayan.
Inihayag ng Obispo na nananatiling positibo ang Simbahan na makakamit ng mamamayang Pilipino ang katarungan laban sa mga tiwali at mapagkamkam na mga opisyal ng bayan na tanging pansariling interes ang pinahalagahan sa kabila ng tiwalang ipinagkaloob sa kanila ng taumbayan.
“We urge government agencies to work diligently to gather, validate, and preserve substantial and indisputable evidence that can be presented in court. We remain optimistic that one day, the Filipino people will emerge victorious over corruption, poverty, and tyranny.” Dagdag pa ni Bishop Bagaforo.
Batay sa 156-pahinang desisyon ng 5th Division ng anti-graft court ay ibinasura ang kaso laban kina dating Pangulong Marcos Sr, Rafael Sison, Peter Sabido, Luis Yulo, Nicolas Dehesa, at Don Ferry dahil sa mahinang ebidensya na magpapakita ng plano at paraan ng mga nabanggit na personalidad na itago ang sinasabing mga ill-gotten wealth.
Inihain ang kaso noong taong 1987 laban sa mga nasasakdal at sa mga kumpanyang Lianga Bay Logging Co., Philippine Integrated Meat Corporation, YKR Corporation at PIMECO Marketing Corporation.
Batay sa Presidential Commission on Good Government (PCGG) tinatayang aabot ng US$5 billion hanggang US$10 billion ang sinasabing hindi maipaliwanag na yaman ng pamilya Marcos na pinaniniwalaang nakatago sa mga bangko sa labas ng bansa.