477 total views
Nagpaabot ng pagbati ang Catholic Bishops’ Conference of the Philippines kay Maria Ressa na tumanggap ng Nobel Peace Prize award.
Sa mensahe ni CBCP President, Davao Archbishop Romulo Valles pinasalamatan nito si Ressa sa patuloy na paghahayag ng katotohanan sa lipunan sa kabila ng iba’t ibang hamong kinakaharap.
“We are grateful that Ms. [Maria] Ressa, together with many of the distinguished and dedicated members of the fourth estate, have discerned the signs of the times and have valiantly responded and continue to respond this particular invitation,” bahagi ng pahayag ni Archbishop Valles.
October 8 nang pinarangalan si Ressa ng Nobel Peace Prize dahil sa makatarungang paggamit ng malayang pamamahayag upang ilantad ang mga pang-aabuso sa kapangyarihan, karahasan at iba pang katiwalian ng kasalukuyang administrasyon.
Sa pamamagitan ng Rappler isang digital media company for investigative journalism na itinatag ni Ressa, buong tapang nitong tinutukan ang malawakang kampanya kontra droga ng administrasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte na nagresulta ng extrajudicial killings sa humigit kumulang 30-libong biktima.
Tinuran ni Archbishop Valles ang pagkilala ng simbahan sa kahalagahan ng malayang pamamahayag sa lipunan bilang bahagi ng demokratikong pamayanan.
Bukod pa rito ang hamon ng simbahan sa mamamahayag na wakasan ang paglaganap ng maling impormasyon at higit pairalin ang katotohanan.
“Today, all over the world, this journalistic work has become more and more difficult because of the level of disinformation and fake news that continue to spread through the means of social communications. The vocation and mission, therefore, of the members of the Press is to contribute not only for the search of truth, but more importantly, to help build a culture of dialogue,” ani ng arsobispo.
Kaugnay nito isinusulong ni Ressa ang fact-checking body sa bansa upang labanan ang paglaganap ng fake news partikular sa mga nangungunang social media platform ng bansa.
Umaasa ang arsobispo na maging ehemplo at mapagtibay ng parangal na ito ni Ressa ang pundasyon ng malayang bansa sa paghayag ng katotohan at katarungan.
“This important recognition – the first for a Filipino – would hopefully strengthen our people’s conviction to build a nation where journalism “is free, at the service of truth, goodness and justice,” giit ni Archbishop Valles.
Bukod kay Ressa kinilala rin ng award-giving body si Dmitry Muratov ng Russia dahil sa pagiging masigasig sa pagsusulong ng malayang pamamahayag sa kabila ng mapanganib na sitwasyon ng pamahalaan.