676 total views
Nasa 600 hanggang 800 Pamilya ang target na matulungan ng Caritas Manila sa Baseco Compound Manila kasabay ng kanilang proyekto na “Community –Based Solid Waste Management”.
Ayon kay Bonna Bello, kinatawan ng Caritas Manila sa Baseco Compound at Sto Niño de Baseco Parish,dalawang linggo nang umuusad ang kanilang proyekto na naglalayong magbigay ng hanap-buhay sa mga pamilya na naninirahan sa nasabing lugar. Sa pamamagitan ng pangongolekta ng basura at pagdadala nito sa ipinatayong Material Recovery Facility ng Caritas Manila, nagkakaroon ng kita ang mga mahihirap na pamilya at kasabay nito ay nakakatulong pa para sa adbokasiyang pangkalikasan.
Aminado si Bello, na maraming basura ang naiipon sa BASECO compound at malaking bilang ng populasyon ay umaasa sa pangangalakal.
“Nasa pangalawang linggo pa lang po kami ito po yun sa Solid Waste Management meron mga Nanay na sa bawat block sa Baseco na nangongolekta ng mga basura sa bahay-bahay. Ito po ay mga Nanay din na kasama ang anak nila sa feeding program [Caritas Manila] sila po ang nagkokolekta araw-araw tapos yun mga basura na kailangan itapon, tinatapon na po nila sa truck, yun pwede pa pakinabangan tinatabi nirere-cycle yun iba naman pwede ibenta ay nakakatulong sa kanila para meron silang pera makatulong sa pamilya nila at makabili ng pangangailangan sa bahay.” Pahayag ni Bello sa panayam ng programa Caritas in Action.
Tiniyak naman ni Bello ang pag-iingat ng mga kalahok sa proyekto lalo na’t maaring makuha ang Covid19 sa mga basura.
“Lagi din po namin paalala ang kaligtasan ng kalusugan lalo na po para sa pamilya.”
Batay sa datos ng Philippine Solid Waste Management noong 2016 umaabot pa lamang sa 13,612 mula sa mahigit 42 libong kabuuang bilang ng mga Barangay sa Pilipinas ang mayroong Material Recovery Facility o MRF.
Samantala, tuloy din ang mga programa ng Caritas Manila sa Baseco kagaya ng urban gardening at ng una nang nabanggit na feeding program o pagpapakain sa mga bata na kulang sa timbang.
Isa ang Baseco Compound sa Tondo, Maynila sa may pinakamaraming natutulungan ng nasabing social arm ng Arkidiyosesis ng Maynila.