8,334 total views
Tinututulan ng mga residente ng Pakil, Laguna ang pagtatayo ng ‘dam’ at pasilidad sa gagawing 1400-megawatt Ahunan Pumped-Storage Hydropower Project para tugunan ang kakulangan sa supply ng kuryente sa Pilipinas.
Inihayag ni Danilo Francisco, chairman ng Committee on Justice and Peace and Integral Ecology of Laguna Economical Movement ng Diocese of San Pablo na ang proyekto ay magdudulot ng paghina o pagbabago sa kultura, pananampalataya, at kabuhayan ng mga taga-Pakil.
“Ang usaping ito sa Pakil ay hindi lamang usapin ng environment… Hindi lamang ito usapin ng bundok, kasi sa Pakil, ang bundok na iyon ay bundok ng mga deboto. Mayroon doong taunang tradisyon na kung saan ang mga deboto ay umaakyat sa bundok na may pasan-pasan na krus at itinitirik nila sa bundok, para ang mga deboto ay makasama ang kalikasan at makita ang mukha ng Diyos sa Kaniyang nilikha,” pahayag ni Francisco sa panayam sa programang Veritasan.
Pinuna rin ni Francisco ang mga kakulangan ng proyekto pagdating sa mga permit at sa naging proseso nito sa pagkonsulta sa mga residente.
Tinatayang abot sa tatlong daang ektarya ng lupain ang sasakupin ng itatayong Ahunan dam, kabilang ang kabundukan, kagubatan, at ang Laguna lake na pinagkukunan ng kabuhayan ng mga residente.
Alam ni Francisco ang kakulangan sa supply ng enerhiya sa bansa kaya’t nakikiusap ito sa pamahalaan na lumikha ng mga proyektong hindi magdudulot ng labis na pinsala sa kalikasan at sa mga tao.
Noong nakalipas na Marso nang maglabas ng panawagan si San Pablo Bishop Marcelino Antonio Maralit, sa Department of Energy, Ahunan Power Inc., at Department of Environment and Natural Resources, na muling pag-aralan ang proyekto at tiyakin ang tunay na konsultasyon sa mamamayan.
Michael Añonuevo with Intern- Michael Encinas