3,024 total views
Mas paiigtingin ng Radyo Veritas 846 ang gawaing ebanghelisasyon sa pamamagitan ng mas makabagong platform upang mas maabot ang mga pamilyang Pilipino sa iba’t ibang bahagi ng bansa.
Ayon kay Fr. Roy Bellen, pangulo ng himpilan, inaasahang mailulunsad na ang digital TV ng Radyo Veritas sa Cebu bago matapos ang taon bilang bahagi ng pagpapalawak ng ministeryo ng simbahan sa multimedia.
“In the age of modern technology, we will continue to embrace modernization to share the joy of the Gospel in every Filipino home. Hopefully, we will fully launch the digital TV in Cebu by the end of this year, so that our evangelization and catechism programs are not only heard through radio or watched online, but also on television,” pahayag ni Fr. Bellen sa Radyo Veritas.
Binigyang-diin ng pari na ang hakbang na ito ay tugon sa panawagan ng Simbahang Katolika na gamitin ang makabagong teknolohiya upang mapalawak ang pagtuturo ng katesismo at mga aral ng simbahan sa bawat komunidad.
Ito rin ay pagtalima sa Digital Terrestrial Television Broadcasting (DTTB) program ng Department of Information and Communications Technology (DICT) na nagtatakda ng paglipat mula analog patungong digital broadcast.
Sa ika-22 ng Nobyembre 2025, ipapatupad ng National Telecommunication Commission ang “total shutdown”ng analog sa National Capital Region o Metro Manila.
Bilang media arm ng Archdiocese of Manila, tiniyak ni Fr. Bellen na patuloy na pagbubutihin ng himpilan ang mga paraan ng pagpapahayag ng Mabuting Balita.
“Radyo Veritas continues to enhance its communication methods to reach even the most remote areas of our country. True to the mission of our station to expand the Church in multimedia and our vision to be the leading social communications ministry for truth and new evangelization,” dagdag ng pari.
Kamakailan ay lumagda ang Radyo Veritas, sa pangunguna ni Fr. Bellen, ng kasunduan sa Word Broadcasting Corporation ng Society of the Divine Word (SVD) missionary sa Cebu, na nangangasiwa sa DyRF Radio Fuerza.
Layon ng kasunduan ang pagtutulungan upang maitaguyod ang mga programa ng simbahan sa telebisyon. Sa ilalim ng partnership, mapapanood ang digital TV ng Radyo Veritas sa Channel 47, kasama ang DyRF, TV Maria at Cebu Catholic Television Network (CCTN).




