1,656 total views
Ipinahayag ng Diyosesis ng Borongan ang pakikiisa at suporta sa mga opisyal ng Barangay Casuguran at mga kasapi ng Homonhon Environmental Advocates and Rights Defenders (HEARD), na nahaharap ngayon sa kasong isinampa ng Emir Mineral Resources Corporation (EMRC).
Kabilang sa limang community leaders na kinasuhan ay sina Kerrilyn Rose Hombria, Dioniosio Bandoy, Jeremy Padilla, Nelson Badenas, at Ruben Badeo, kasama ang pangulo ng HEARD na si Carmi Macapagao.
Sa pahayag ng diyosesis, mariing iginiit na ang mga kinasuhan ay hindi mga kriminal kundi mga tagapangalaga ng kalikasan, tagapagtanggol ng buhay, at tinig ng mga walang tinig.
Ipinaglalaban ng mga lider at ng HEARD ang tinatawag na Area 12, isang lugar sa Homonhon na sagana sa likas na yaman at nagsisilbing mahalagang pinagkukunan ng malinis na tubig at biodiversity para sa mga pamayanan.
“We, the Church, have always stood with the poor, the marginalized, and those who defend God’s creation… Their unwavering defense of Area 12, which is not only rich in natural resources but also the lifeblood of the community’s clean water and biodiversity, is a true act of Christian stewardship,” ayon sa opisyal na pahayag ng Diyosesis ng Borongan.
Binigyang-diin ng diyosesis na ang isinampang kaso ay hindi lamang simpleng legal na usapin kundi isang usapin ng katarungan.
Dagdag pa ng pahayag, ang paggamit ng batas upang patahimikin ang mga tagapagtanggol ng kalikasan ay isang anyo ng malubhang kawalang-katarungan na dapat tutulan ng lahat ng may pananampalataya at malasakit sa kapwa.
“May justice prevail. May creation be respected. May courage continue to rise in the face of fear,” dagdag ng diyosesis.
Matatandaang una nang kinondena ni Borongan Bishop Crispin Varquez ang pagpapatuloy ng pagmimina sa Samar Island, at sa halip ay iminungkahi sa pamahalaan ang pagsusulong sa agri-ecological tourism.
Sa Laudato Si’, mariing tinututulan ng yumaong Papa Francisco ang industriya ng pagmimina dahil nag-iiwan lamang ito ng labis na pinsala at paghihirap sa kalikasan at mga apektadong pamayanan.