27,292 total views
Inaanyayahan ng Diyosesis ng San Fernando La Union at Novaliches ang mamamayan na makiisa sa Caritas Manila – Alay-kapwa Telethon 2024.
Ito ay upang makalikom ng pondo ang Social Arm ng Archdiocese of Manila na ilalaan sa mga programa ng Caritas Damayan-disaster response program at iba pang programang nakatuon sa pagpapaunlad ng pamumuhay ng mga benepisyaryo.
Ayon kay San Fernando La Union Bishop Daniel Presto, sa bisa ng pakikiisa ay mapapaunlad ang pamumuhay ng mga benepisyaryo at higit na mapaghahandaan ng Caritas Manila ang pagtulong sa mga diyosesis sakaling makaranas ng matinding kalamidad sa hinaharap.
“Ito ay isang programa na naglalayon para sa mga prevention ng disaster at sa iba ring programs, makatulong sa mga biktima ng mga ibat-ibang natural and man-made disasters, marami po tayong mga kababayan na nakakaranas ng ibat-ibang natural and man-made disasters at ang Caritas Manila ay tumutulong di lang sa mga taga-manila, maging sa mga karatig ding diyosesis o probinsya,” ayon sa panayam ng Radio Veritas kay Bishop Presto.
Ayon naman kay Father Joel Saballa, sa bisa ng pakikiisa sa gawain ay higit na maisasabuhay ng mga mananampalataya ang pagsasakrispisyo kung saan sa bisa ng kahit anong makakayanang halaga ay magiging daluyan sila ng pagmamahal o habag ng Panginoon para sa Kapwa.
Tiwala din ang Pari na sa bisa ng inisyatibo ay higit na matutulungan ang mga scholars ng Youth Servant Leadership and Education Program hindi lamang sa Metro Manila kungdi pati narin sa iba pang bahagi ng Pilipinas na makapagtapos sa kanilang mga pag-aaral.
“Isa itong programa at pagkakataon natin mga kapanalig na samahan po natin ng tamang sakripisyo at hindi lang sakripisyo habang nagsasakripisyo ka ay may natutulungan ka, kaya’t sana alalahanin natin yung bawat tulong na maibibigay natin dito ay magbigay ng pagkakataon na mayroong matulungang o maiangat na nangangailangan na nagdurusa,” ayon sa panayam ng Radio Veritas kay Father Saballa.
Ang Caritas Manila Alay-kapwa Telethon ay taunang gawain sa pagtutulungan ng Caritas Manila at Radio Veritas.