136,207 total views
Ang ating bansa ay madalas sinasalanta ng iba’t ibang kalamidad tulad ng bagyo, lindol, at iba pa. Ang mga kalamidad na ito ay nagdudulot ng pinsala sa ari-arian, kabuhayan, at higit sa lahat, sa buhay ng maraming Pilipino. Ayon nga sa mga eksperto, malaki ang tsansa na umabot ng P1.5 trillion ang halaga ng pinsala ng mga kalamidad sa ating bansa sa darating ng 50 taon. Kaya’t mahalaga na tayo ay maging handa sa anumang sakuna sa pamamagitan ng tamang disaster preparedness.
Una sa lahat, ang pagpaplano ay isang mahalagang hakbang sa disaster preparedness. Dapat mayroon tayong maayos na plano kung paano tayo kikilos sa panahon ng kalamidad. Hindi lamang ito applicable, kapanalig, sa national o local level. Napakahalaga na magsimula ito sa mga tahanan pa lamang. Ang kaligtasan ng lahat ay ating matitiyak kung ang bawat kabahayan ay laging handa.
Upang magawa natin ito, kailangan natin ng malawakang kampanya ukol sa disaster preparedness. Kailangan natin maikalat ang kaalaman sa tamang aksyon sa panahon ng kalamidad. Tandaan natin, hindi pare-pareho ang tugon sa lahat ng uri ng kalamidad.
Pangalawa, mahalaga rin ang pagbuo ng mga emergency kit o “go-bag” na naglalaman ng mga mahahalagang gamit tulad ng pagkain, tubig, gamot, at iba pang kailangan sa panahon ng kalamidad. Dapat ito ay laging handa at madaling ma-access sa oras ng pangangailangan. Again, kapanalig, ang household ang nangunguna dito.
Pangatlo, mahalaga ang pagtutulungan at koordinasyon ng pamahalaan at ng mga mamamayan sa panahon ng kalamidad. Dapat ay mayroong maayos na sistema ng komunikasyon at koordinasyon upang mapadali ang pagtulong sa mga nangangailangan.
Mahalaga rin ang pagiging mapanuri at maingat sa panahon ng kalamidad. Dapat nating pakinggan ang mga babala at payo ng mga awtoridad at sumunod sa mga ito upang mapanatiling ligtas ang ating mga sarili at ang ating mga kapamilya.
Ang disaster preparedness ay isang mahalagang responsibilidad ng bawat mamamayan. Dapat nating pagtuunan ng pansin at bigyan ng importansya ang pagiging handa sa anumang sakuna upang masiguro ang kaligtasan ng bawat isa. Sabi nga sa Laudato Si: Kung hindi natin tutugunan ang mga epekto ng trahedya na laging bumibiktima sa marami nating mga mahirap na kapwa, nangangahulugan ito ng kawalan ng pagkilala sa ating responsibilidad sa isa’t isa, na siyang pundasyon ng maayos na lipunan.
Sumainyo ang Katotohanan.