242 total views
‘Ang EDSA People Power I ay bunga ng maigting na pananalangin ng sambayanang nagkaka-isa.’
Ito ang naging bahagi ng mensahe ni Manila Auxiliary Bishop Broderick Pabillo sa nalalapit na paggunita ng ika – 30 anibersaryo ng EDSA People Power.
Aniya, nagpapatuloy ang Simbahan bilang kasangkapan ng pagpapahayag ng katotohanan sa panahon ng maling pamamalakad sa lipunan.
“Ang role ng Simbahan ay laging mangonsensya, ipagdasal, i–guide yung mga tao yung katuruan at magsalita kung may maling pamamalakad. Tulad ng EDSA ay salita ng simbahan na hindi kailangan na patuloy na magsalita kundi tumingin rin sa kalagayan ng mga tao. Ang EDSA ay bunga rin ng panalangin kaya patuloy ang ating pananalangin upang makamit ang tunay na kalayaan,” bahagi ng pahayag ni Bishop Pabillo sa Radyo Veritas.
Malaking hamon pa rin ang nakikita ni Bishop Pabillo sa tunay na pagsasabuhay ng diwa ng EDSA lalo na ng pagkakapantay–pantay at ang tunay na kaunlaran hindi lamang ng iilan kundi ng lahat.
“Alam niyo itong EDSA ay isa talagang malaking hamon para sa atin. Kaya dapat tinitignan natin kung paano tayo nagiging totoo sa diwa ng EDSA ng pagbabago ng gobyerno natin. Dito sa atin marami pa ring nakikilaban dahil nga kung nasaan ang growth na ang kaunlaran ay napupunta lamang sa iilan. Hindi talaga napantay yung kalagayan ng mga Pilipino. Kaya ang diwa ng EDSA ay hindi naisasakatuparan ang kaunlaran dahil marami sa atin ay naapi pa rin dahil sa kahirapan,” pagninilay ni Bishop Pabillo.
Batay naman sa EDSA People Power Commission ang mga kabataan ang sentro ng selebrasyon ngayong taon.
Kung saan magkakaroon ng mga talakayan kasama ang mga kinatawan mula sa iba’t- ibang sektor tungkol sa Martial Law.
Ayon sa komisyon maaring umabot sa P35 million ang halagang gagastusin para sa People Power Celebration ngayong taon