205 total views
Marami pang mahahalagang usapin ang dapat na matalakay sa mga susunod pang Pilipinas Debates 2016.
Ito ang inihayag ni UP Professor Leonor Briones – Former National Treasurer at Lead Convenor ng Social Watch Philippines matapos ang naganap na kauna-unahang Presidential Debate na pinangunahan ng Commission on Elections sa Cagayan de Oro, Mindanao.
Paliwanag ni Briones, nararapat ring talakayin ng mga kandidato sa pagkapangulo ang ilang mga usaping pang-international, corruption, panibago o alternatibong pagmumulan ng pondo ng bayan at maging ang pagpapahalaga sa pambansang Konstitusyon ng Pilipinas.
“Ito ay parang ‘tip of the iceberg’ lang itong debate na ito dahil yung mahalaga yung tungkol sa pang-gagalingan ng pera, tungkol sa international hindi pa nagalaw, kasama na yung governance kasi kung pang-finance ang pag-uuspan mo, hindi mo maiihiwalay ang kurapsyon kasi ang isyu kasi nang tanungin natin, nirerespeto ba natin ang Constitution, nirerespeto ba natin ang relasyon ng Korte Suprema atsaka yung other branches of the government kasi ngayon mukhang hindi eh..” pahayag ni Briones sa Radio Veritas
Isinagawa sa Capitol University sa Cagayan de Oro City ang unang PiliPinas Debates 2016 na dinaluhan ng limang presidential aspirants na sina Vice President Jejomar Binay, Senator Miriam Defensor Santiago, Davao City Mayor Rodrigo Duterte, Senator Grace Poe at former DILG Seceretary Mar Roxas.
Sa isinagawang debate, nagkaroon ng pagkakataon ang limang kandidato na ipahayag ang ilan sa kanilang mga plano at plataporma para sa bayan partikular na ang usapin ng kahirapan na Poverty and Development at ilang mga isyu sa Mindanao tulad ng imprastraktura, Political Dynasty, paglaganap ng ipinagbabawal na gamot at Bangsamoro Basic Law.
Samantala, dalawa pang debate ang nakatakdang isagawa ng Commission on Elections sa Luzon at Visayas sa ika-20 ng Marso at ika-24 ng Abril.
Bukod dito, iginiit rin ni Briones na mahalagang malaman rin ng mga mamamayan ang mga bubuo sa Gabinete ng sinumang mananalo sa Pagkapangulo.
Paliwanag nito, malaki ang papel na ginagampanan ng mga miyembro ng gabinete sa sistema ng pagpapatupad ng mga proyekto at programang nakalaan para sa mga mamamayan.
Dahil dito, nanawagan si Briones, kinakailangan rin kilatisin ng mga botante maging ang mga bumubuo sa partido at mga kaalyado ng bawat kandidato na malaki ang tyansang magkaroon rin ng katungkulan sa pamahalaan.
Batay sa Article 7 Section 16 ng 1987 Constitution, maaring magtakda o maghirang ang Pangulo ng sinuman upang maging bahagi ng kanyang Gabinete sa pahintulot narin ng Commission on Appointments.
Sa kasalukuyan sa tala ng Office of the President, binubuo ng 35 Regular Cabinet Members ang Administrasyong Aquino bukod pa sa 6 na Cabinet-Rank Officials ng pamahalaan.