188 total views
Nanawagan ang Alyansa Tigil Mina si Jaybee Garganera, National Coordinator ng Alyansa Tigil Mina sa nagnanais mahalal at mamuno sa Pilipinas na pangalagaan ang kalikasan kung nais ng permanenteng solusyon sa mga suliranin ng bansa.
Naniniwala si Garganera na maging ang matagal nang suliranin sa kahirapan ay masosolusyunan sa pagpapahalaga at pagprotekta sa kapaligiran.
“Kami na mga nasa environmental movement ay nananatili na maging matibay yung paninindigan namin na kung pangmatagalang buhay ang pinaguusapan natin ay kailangan, kasama duon sa mga pinag-iisipan at didisisyunan ng mga bagong lider, ano bang gagawin sa ating kalikasan nasasagot duon sa hamon ng nagbabagong klima o climate change.” pahayag ni Garganera sa Radio Veritas.
Hinimok din ni Garganera ang susunod na lider na alisin ang industriya ng pagmimina at patigilin ang operasyon ng mga coal fired power plants.
Sa pag-aaral ng Philippine Movement for Climate Justice, sa kasalukuyan ay mayroong 17 pasilidad ng Coal Fired Power Plants sa Pilipinas kung saan 11 dito ay nasa Luzon, Lima ang nasa Visayas at isa ang matatagpuan sa Mindanao.
Habang nakaamba pang magtayo ng karagdagang 29 na pasilidad ng coal Fired power plants hanggang taong 2020.
Samantala, una nang hinimok ng kanyang Kabanalan Francisco sa kanyang Laudato Si ang mga Lider ng bansa na lumikha ng polisiyang magtatakdang palitan ng renewable energy ang mga Fossil Fuels upang sa mga susunod na taon ay tuluyan nang mawala ang lubhang mapaminsalang emissions na nagmumula sa pagsusunog sa mga ito.