346 total views
Nagpahayag ng pagkadismaya si San Jose Nueva Ecija Bishop Roberto Mallari – chairman ng CBCP Episcopal Commission on Catechesis and Catholic Education sa pagkamatay ng isang law student ng University of Santo Tomas dahil sa hazing.
Ayon kay Bishop Mallari, dapat na mabigyang nang mas malalim na pakahulugan ang ‘pakikipagkapatiran’ lalo na sa mga fraternities sa mga Catholic schools tulad ng UST.
Iginiit ni Bishop Mallari na dapat mamayani sa bawat samahan o fraternities ang pagmamahal at pakikisama ni Hesus sa kanyang mga desipulo.
“Sana nga mabigyang saysay ang (brotherhood) especially yung mga nasa Catholic schools na fraternities. I’m very sad of what happened sa UST, sana yun bang Christian Fraternity (ang mamayani) yung pagmamahal talaga ni Hesus yung mag-grow sa kanila yung love that is inclusive, a love that reaches out to the poorest of the poor, a love that extend to all…” pahayag ni Bishop Mallari sa panayam sa Radio Veritas.
Apela ng Obispo, napapanahon na upang tuluyang alisin ang hazing o ang pagpapahirap sa mga neophyte sa pamamagitan ng iba’t ibang paraan ng pisikal at mental na mga pagsubok kabilang na ang pamamalo sa iba’t ibang bahagi ng katawan, pananampal, pagpapalinis sa maruming kubeta, pagpapasuot ng mga kahiya-hiyang kasuotan sa harapan ng publiko, pagpapakain ng mga kakaibang putahe o mga pinaghalo-halong sangkap at pauli-ulit na pagsubok sa determinasyon, katapatan, tibay at tatag ng mga bagong nagnanais na maging bahagi ng samahan. Paliwanag ni Bishop Mallari, ang kakayahang magmahal at tunay na makipagkapwa-tao ang mas nararapat na subukin at patunayan ng mga nagnanais na magkaroon ng isang tunay na pagkakapatiran.
“Sana naman alisin na nila yung pananakit dun sa isa’t isa, I don’t think this is good that they hurt those that being initiated, sana they challenge them to make more concrete act of love more than being hurt, just being hurt, you put everything and always in the context of love, loving one another, loving people that they meet…” giit ni Bishop Mallari.
Sa kabila ng umiiral na Anti-Hazing Law na naisabatas noong 1995, batay sa tala simula January 2002 hanggang September 19, 2017 umaabot na sa 207 ang naitalang biktima ng hazing, sa bilang na ito 12 ang namatay; 163 ang lubos na nagtamo ng mga pahirap.
Gayunman, tanging 128 lamang sa bilang na ito ang nalitis sa hukuman kung saan 12 ang kasong na-dismissed habang 9 lamang ang kasong naresolba bukod dito mula sa 393 mga suspects ay 15 lamang ang tunay na naparusahan kung saan 46 ang napawalang sala at 206 ang patuloy pa ring nakalalaya.