434 total views
July 27, 2020, 1:00PM
Ito ang bahagi ng pagninilay ni Archdiocese of Manila Apostolic Administrator Bishop Broderick Pabillo sa isinagawing SONA Mass for Peace and Justice sa Minor Basilica of the Black Nazarene o Quiapo Church na pinangunahan ng Rector at Parish Priest nitong si Msgr. Hernando Coronel.
Inihayag ni Msgr.Coronel ang homiliya ni Bishop Pabillo dahil sumasailalim sa quarantine ang Obispo matapos magpositibo sa COVID-19.
Ayon sa Obispo, ang pangunahing mensahe ng pananampalatayang Kristyano ay ang pag-ibig na nangangahulugan ng pag-ibig sa Diyos at pag-ibig sa kapwa tao.
Iginiit ni Bishop Pabillo na isang kabalintunaan ang pagmamahal sa kapwa nang walang pagmamahal sa bayan sapagkat magkakaugnay ito.
Ipinaliwanag ng Obispo na bahagi ng pagmamahal sa kapwa ang pagpapahalaga at pagmamahal sa bayan na maipapamalas sa pamamagitan ng pagkikibahagi sa mga usaping panlipunan at pakikialam sa kung ano ang nangyayari at tunay na kalagayan ng bayan.
“Hindi tayo maaaring maging mabubuting Kristiyano kung hindi tayo mabubuting mamamayan. Hindi natin masasabi na mahal ko ang aking kapwa kung wala tayong pagmamahal sa bayan. Kung may pagmamahal tayo sa bayan at least man lang inaalam natin kung ano talaga ang kalagayan ng bayan. We care enough to know what is happening among us now and what our elected officials are doing.”pagninilay ni Bishop Pabillo.
Pagbabahagi ni Bishop Pabillo, ang pag-aalay ng banal na misa ng buong Archdiocese of Manila para sa Katarungan at Kapayapaan ng bansa ngayong araw ay ang natatanging ambag at pagpapamalas ng Simbahan ng pagmamahal para sa bayan.
Binigyang diin rin ng Obispo ang kahalagahan ng sama-samang pananalangin upang ganap ng makita at marinig ng mga opisyal ng bayan ang mga hinaing at daing ng taumbayan na lubos ng dumaranas ng paghihirap sa gitna ng krisis na dulot ng COVID-19 pandemic.
“Kaya nga kailangan nating magdasal, at malakas na magdasal, upang mabuksan ang mga mata at tainga ng ating mga leaders. Sana makakita at makarinig na sila. Higit pa rin kailangan tayong magdasal na lumambot ang kanilang puso at tumibok ito ayon sa hibik ng maraming nahihirapan na ngayon.” Dagdag pa ni Bishop Broderick Pabillo.
Umaasa naman ang Obispo na ganap na mailalahad ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte sa kanyang ika-limang State of the Nation Address ang tunay na kalagayan ng bayan at ang mga programa ng pamahalaan para sa bansa.
Ayon kay Bishop Pabillo ang SONA ay ang panahon ng pag-uulat at pagpapahayag ng katotohan sa taumbayan at hindi pagkakataon upang mambatikos at magyabang.
“It is the day of the SONA – State of the Nation Address. Mamaya ang attention natin ay nakatuon sa President. Maglalahad siya ng kalagayan ng ating bayan at ng programa niya para sa bansa. Iyan dapat ang SONA. Hindi iyan panahon ng pagmamayabang, o pambabatikos o pambobola sa taong bayan. Gusto nating malaman the real score.”panawagan ng Obispo
Kasunod ng Banal na Misa ay nagkaroon rin ng Inter-confessional Ecumenical Inter-religious Prayer kung saan nag-alay rin ng panalangin ang iba’t ibang denominasyon para sa pangkabuuan kapakanan at kalagayan ng bayan.