12,313 total views
Nagpahayag ng matinding pagkadismaya at galit ang mga hospital chaplain at chaplaincy ministers ng Archdiocese of Manila laban sa patuloy na umiiral na katiwalian sa pamahalaan.
Ayon kay University of the Philippines – Philippine General Hospital (UP-PGH) head chaplain, Fr. Marlito Ocon, SJ, direktang naaapektuhan ng korapsyon ang mga ospital at serbisyong pangkalusugan, lalo na para sa mga mahihirap at maysakit.
Iginiit ni Fr. Ocon na ang kanilang pagkagalit ay hindi simpleng damdamin kundi makatuwirang panawagan para sa katarungan.
Aniya, malinaw na nakikita ang epekto ng katiwalian sa kakulangan ng sapat na pasilidad, gamot, at medical staff sa mga ospital.
“When public funds meant to build roads, hospitals, schools, and flood control projects are stolen, our people suffer. When those in power betray the trust given to them, it is not only a crime against the law but a sin against the poor,” pahayag ni Fr. Ocon.
Dagdag ni Fr. Ocon, hindi dapat manahimik ang simbahan at mamamayan sa harap ng ganitong sitwasyon, sapagkat ang pananahimik ay anyo ng pakikiisa sa kasalanan.
Hinimok din ng pari ang lahat na ipakita ang paninindigan sa pamamagitan ng pagboto nang tama, pagtanggi sa suhol, at pagsuporta sa mga tapat na pinuno.
Nilinaw ni Fr. Ocon na ang kanilang galit ay hindi bunga ng poot kundi ng pagmamahal sa bayan, sa mahihirap, at sa katotohanan.




