172,331 total views
Mga Kapanalig, ginunita pa rin sana natin kahapon, kahit hindi opisyal na holiday, ang ika-38 taong anibersaryo ng EDSA People Power Revolution.
Marami na sa atin marahil ang nakalimot na o hindi nalalaman ang apat na araw noong Pebrero 1986 kung kailan ipinamalas ng mga Pilipino ang masidhing pagnanais na makaroon ng pagbabago sa ating bayan. Sa mga araw na iyon, buhay at panalangin ang ipinantapat ng mga Pilipino sa mga tangke at armas ng mga puwersa ng militar na nananatiling tapat sa dating Pangulong Ferdinand Marcos, ama ng kasalukuyan nating presidente. Sa mga araw na iyon, isinigaw ng mga Pilipino: “Tama na! Sobra na!” Tama na ang pandaraya sa eleksyon para patuloy na kumapit sa kapangyarihan. Sobra na ang pang-aabuso sa karapatan at pagsupil sa kalayaan ng taumbayan. Nanindigan ang mga Pilipino para sa demokrasya.
Malaki ang papel na ginampanan ng ating himpilan, ang Radyo Veritas, sa mapayapang rebolusyon sa EDSA. Ika-22 ng Pebrero nang nagsalita ang yumaong Jaime Cardinal Sin, arsobispo ng Maynila, sa istasyon. Ito ang kanyang mga salita: “This is Cardinal Sin speaking to the people of Metro Manila, I am calling our people to support our two good friends at the camp. If any of you could be around at Camp Aguinaldo to show your solidarity and your support in this very crucial period when our two good friends have shown their idealism, I would be very happy, please come.”
Ang tinutukoy niyang “friends” noon ay sina Fidel Ramos, Vice-Chief of Staff ng AFP, at Juan Ponce Enrile, Minister of National Defense. Sa isang press conference, inamin ng dalawang talo si Marcos sa ginanap na snap elections noong ika-7 ng Pebrero. Idineklara nila ang kanilang pagtalikod sa diktador at hinikayat ang kanilang mga kasama sa gobyerno at militar na samahan sila.
Tumalima ang marami sa panawagan ni Cardinal Sin. Bumuo sila ng barikada mula Camp Crame hanggang Camp Aguinaldo. Unti-unti, dumagsa ang mga tao sa EDSA. Ilang oras matapos ang pag-ere ng mensahe ni Cardinal Sin, binomba ng militar ang transmitter ng Radyo Veritas sa Bulacan. Nawala tayo sa ere. Nawalan ng iba pang mapagkukunan ng impormasyon ang mga Pilipino dahil ipinasara o kontrolado na rin ng gobyerno ang iba pang media sa bansa.
Ngunit hindi ito naging hadlang upang maihatid sa mga Pilipino ang katotohanan. Radyo Veritas na lamang—gayundin ang Radyo Bandido—ang nagbigay ng blow-by-blow account ng mga nangyayari sa EDSA. Sa radyo rin ipinarating ang mga panawagan para sa pagkain at iba pang kailangan ng mga pumipigil sa mga tangkeng nakaamba na sa mga nagpoprotesta.
Humantong sa pag-alis ng pamilya Marcos sa Malacañang ang apat na araw na EDSA People Power Revolution. Hindi natuloy ang pagdanak ng dugo. Naluklok sa puwesto ang tunay na nanalo sa snap elections, ang yumaong Pangulong Corazon Aquino, biyuda ng martir na si Benigno “Ninoy” Aquino, Jr. Nanaig ang kapayapaan. Nanaig ang katototohanan.
Nakalulungkot at nakadidismayang maraming gustong burahin ang katotohanan tungkol sa mahalagang yugtong ito sa ating kasaysayan. Ginagawa ito hindi lamang sa pag-aalis ng paggunita ng taumbayan sa anibersaryo nito, kundi sa pamamagitan ng pagkakalat ng maling impormasyon gamit ang social media, mga influencers, at mismong mga institusyon natin. Maraming napaniniwala, pero dito sa Radyo Veritas, patuloy nating panghahawakan at ipagtatanggol ang totoo. Ang salitang “veritas” ay nangangahulugang “katotohanan.” Ito ang pinanindigan ng ating himpilan dahil wika nga sa Juan 8:32, “ang katotohanan ang magpapalaya sa [atin].”
Mga Kapanalig, malalakas ang puwersang bumubura sa EDSA People Power at sa diwa nito. Ngunit katulad ng mga tumindig noon sa EDSA, huwag tayong titiklop, huwag tayong aatras.
Sumainyo ang katotohanan.