189 total views
Umaasa ang CBCP Episcopal Commission on Prison and Pastoral Care na tutuparin ng Pangulong Rodrigo Duterte ang pahayag na pagkalooban ng Presidential Pardon at executive clemency ang mga matatanda at may malulubhang karamdaman na bilanggo.
Ayon kay Rudy Diamante – Executive Secretary ng Kumisyon, nararapat rin ikunsidera ng Pangulo ang mga bilanggong nakapag-silbi na ng 25-taon sa kanilang sentensya at pagbawas sa sentensya ng mga nahatulan ng habang-buhay na pagkakabilanggo.
Inihayag ni Diamante na sa ganitong paraan maipapadama ng pamahalaan sa mga bilanggo ang habag, awa at pagpapatawad ng Panginoon at maging ng Estado sa kanilang naging pagkakasala.
“Ang hinihiling sana namin, kahiit yung mga terminally ill, tapos yung noon pa ay naka-serve na ng more than 25 years and above. Sana mapag-aralan talaga ng husto ng Malacañang yung Mercy and Compassion to people in prison and then give them a second chance to live outside at yung mga nahatulan ng Life imprisonment na mabigyan nga talaga ng Executive Clemency or Conditional Pardon para mabasag naman yung kanilang sintensya…” pahayag ni Diamante sa Radio Veritas.
Inaasahan ang pagkakaloob ni Pangulong Duterte ng Presidential Pardon at executive clemency sa mga higit 80-taong gulang na mga bilanggo at mga nakapag-silbi na ng 40-taon sa kanilang sintensya, kung saan bukod sa pagbibigay ng pangalawang pagkakataon sa mga mapipiling bilanggo ay isang paraan rin ito upang mapaluwag ang mga bilanguan sa bansa.
Sa kasalukuyan, batay sa tala ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) aabot na sa higit 100-libo ang bilang ng mga bilango sa higit 400 kulungan sa buong bansa na nakalaan lamang para sa 26-na-libong inmates.
Lumalabas na halos 80-porsyento ng mga bilanggo sa bansa ay labis sa kapasidad ng mga kulungan.
Samantala, unang binigyang diin ng Kanyang Kabanalan Francisco na bukod sa parusang kamatayan, hindi rin ito sang-ayon sa hatol na habang buhay na pagkabilanggo na ayon sa kaniya ay labag sa dignidad ng tao at pagkakaroon ng pangalawang pagkakataon na magbagongbuhay.