9,260 total views
Patuloy na tinitiyak ng mga diyosesis sa Mindanao ang kaligtasan ng kanilang mga kawan matapos ang magnitude 7.6 na lindol sa Davao Region na sinundan ng malalakas na aftershocks.
Sa panayam ng Radyo Veritas kay Fr. Orveil Andrade, Director ng Diocesan Social Action ng Mati, ibinahagi ng pari na malaki ang pinsala sa mga tahanan at gusali malapit sa coastal areas ng Manay, Davao Oriental, kung saan tatlong simbahan at dalawang kapilya ang napinsala at isa ang nasawi matapos mabagsakan ng gumuhong pader.
“Ang Manay talaga ang maraming damage na bahay kasi doon ang epicenter,” ayon kay Fr. Andrade.
Agad namang nagtungo si Mati Bishop Abel Apigo sa bayan ng Baganga upang personal na mabisita ang mga parokyang naapektuhan ng malakas na pagyanig.
Tiniyak ni Bishop Apigo ang pakikiisa at pananalangin ng Simbahan para sa mga biktima ng lindol.
“We need to pray harder,” ayon kay Bishop Apigo.
Samantala, sinabi ni Cagayan de Oro Archbishop Jose Cabantan na kasalukuyan silang nagsasagawa ng CaBuSTaMPro Clergy Assembly sa arkidiyosesis nang maramdaman ang pagyanig.
Ipinagpapasalamat ni Archbishop Cabantan sa panginoon na ligtas ang lahat ng mga paring nakibahagi sa pagtitipon.
“Okay ra mi, kalooy sa Dios (Ayos lang kami, sa awa ng Diyos),” pahayag ni Archbishop Cabantan sa panayam ng Radyo Veritas.
Tiniyak din ni Surigao Bishop Antonieto Cabajog na walang naitalang pinsala sa mga gusali at mamamayan sa buong Diyosesis ng Surigao.
“God is good! No worries for us in the entire diocese. No reported damage to life and property,” saad ni Bishop Cabajog.
Nagbigay muli ng ulat si Bishop Cabajog pasado alas-siyete kagabi, matapos maramdaman ang malakas at bahagyang matagal na magnitude 6.9 aftershock na nagmula pa rin sa Davao Oriental.
Una namang ibinahagi ni Kidapawan Bishop Jose Colin Bagaforo na naramdaman din sa Cotabato ang pagyanig, at agad niyang ipinag-utos ang assessment sa mga simbahan at kumbento upang masuri ang posibleng pinsala dulot ng lindol.
Samantala, ipinaalala ng Caritas Philippines sa publiko na manatiling alerto, unahin ang kaligtasan, at sama-samang manalangin para sa katatagan ng mga pamilyang nasalanta ng lindol.
Ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS), naitala ang magnitude 7.6 na lindol sa Manay, Davao Oriental dakong alas-9:43 ng umaga noong October 10, 2025, na naramdaman din sa iba’t ibang bahagi ng Mindanao.
Matatandaan noong 2019, tatlong magkakasunod na lindol din ang yumanig sa rehiyon ng Mindanao sa parehong buwan ng Oktubre.