158 total views
Ito ang ibinahagi ni Father Gregory Ramon Gaston, rector ng Pontificio Collegio Filipino, na turo ng kanyang kabanalan Francisco sa kanyang weekly General Audience sa St. Peter Square sa Vatican.
Ayon sa pari, binigyang diin ni Pope Francis na ang bawat isa ay mayroong kapangyarihang magbahagi ng pag-asa sa kapwang nabibigatan sa kinakaharap nitong pagsubok sa buhay.
“Yung nagbibigay ng pag-asa ay hindi lamang yung Panginoon, kundi tayo din pala nagbibigay din tayo ng pag-asa sa ating kapwa. At yung pagbigay ng pag-asa doon sa ating pagtulong sa ating kapwa yung ating pagsama sa maraming kapwa natin na nangangailangan ng tulong, [natutulungan sila na] makaunawa, maging maligaya.” Pahayag ni Fr. Gaston sa Programang Veritas Pilipinas.
Inihayag ni Father Gaston na nais ng Santo Papa na ang pag-asang maibabahagi ng tao sa kanyang kapwa ay hindi panandalian lamang kundi maaaring baunin ng taong nangangailangan hanggang sa hinaharap.
“Hope ay may view on future, ibig sabihin nagtutulungan [tayo] hindi lamang ngayon kundi para mafeel din nila na kahit bukas matutulungan parin sila, next week, next month, yun yung ibig sabihin ng pag-asa hindi lamang ngayon kundi pati yung sa kinabukasan.” pahayag ng pari.
Inaanyayahan din ni Fr. Gaston ang mga mananampalataya na huwag mag-alinlangang lumapit sa Panginoon sa pamamagitan ng sakramento ng Kumpisal.
Aniya, libo-libong pari mula sa iba’t ibang bansa ang handang maggawad ng sakramento sa lahat ng mananampalataya na nais magbagong buhay.
Kaugnay dito, ngayong ika-23 hanggang 24 ng Marso, ay magkakaroon ng “24 Hours with the Lord” kung saan libo-libong pari ang nakahandang magbigay ng kumpisal sa mga mananampalatayang nais magbagong buhay.