543 total views
Walang puwang ang katiwalian ng mga opisyal ng pamahalaan sa panahon ng pandemya.
Ito ang binigyang diin ng isang opisyal ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines kaugnay sa mga nabunyag na katiwalian at kurapsyon sa pamahalaan sa gitna ng COVID-19 pandemic.
Ayon kay Apostolic Vicariate of Taytay, Palawan Bishop Broderick Pabillo – chairman ng CBCP-Episcopal Commission on the Laity, nakagagalit ang kinasasangkutang katiwalian ng mga opisyal ng gobyerno.
Ikinadismaya ng Obispo na sa kabila ng kakulangan ng pagtugon ng pamahalaan sa pagdurusa ng taumbayan ay abala naman ang ilang opisyal sa pangungurakot.
Tinukoy ni Bishop Pabillo ang maanomalyang 8-bilyong pisong halaga ng kontrata na iginawad ng pamahalaan sa Pharmally Pharmaceuticals, Corporation gayundin ang pangungutang sa international community sa kabila ng Republic Act. No. 11469 o ang “Bayanihan to Heal as One Act”.
“Nakakagalit ang mga pangyayari kasi ang mga tao ay hirap na hirap. Ang masama pa yung mga kinukurap ay yung dapat na mapunta sa tao. Mayroon tayong Bayanihan, ginamit yung batas at nanghiram pa tayo ng pera para makatulong sa mga tao at naku-corrupt lang. Malalaking pera ang involve, yung 8-billion pesos, ang daming taong matutulungan niyan.”pahayaag Bishop Pabillo.
Iginiit ni Bishop Pabillo na ang katiwalian at kurapsyon ay higit na nagpapahina sa katatagan ng lipunan lalo na ngayong panahon ng pandemya.
Ipinaliwanag ng Obispo na kung patuloy na mananaig ang katiwalian lalo na sa pamahalaan ay hindi makakamit ng bansa ang kapayapaan at katarungan.
Yung usapin ng kurapsyon yan po ay nakapanghina ng loob sa ating lipunan na isinusulong ang katotohanan, nagsusulong ng kapayapaan”.saad ni Bishop Pabillo
Ang pahayag ay ibinahagi ng Obispo sa isinagawang webinar ng Caritas Philippines at grupong One Faith One Nation One Voice na binubuo ng iba’t ibang mga relihiyon at denominasyon na may titulong ‘Rising for Truth and Accountability in Response to a Litany of Corruption in this time of Pandemic’.