141,546 total views
Ilang araw na lamang kapanalig, kapaskuhan na. Nadarama mo na ba ang nalalapit na pagdating ng ating tagapagligtas, o kasama ka ba sa naiipit pa ng vehicle at human traffic ngayon? Ikaw ba ay isa sa mga indibidwal na busy ngayon sa kabibili ng pamasko? Isa ka ba sa mga kasamang naniniwala na ang Christmas rush ay ukol sa paghahanda para sa Noche Buena at exchange gifts? Nabalot ka na rin ba ng konsumerismo at materyalismo ngayong kapaskuhan?
Ang panlipunang turo ng Simbahan ay maraming paalala sa atin ukol dito. Sabi nga ni Pope Paul VI sa Populorum Progressio, dapat tayo ay magpaka-ingat ingat dito dahil “the acquisition of worldly goods can lead men to greed, to the unrelenting desire for more, to the pursuit of greater personal power. Rich and poor alike—be they individuals, families or nations—can fall prey to avarice and soul-stifling materialism.” Kapanalig, sa konsumerismo, walang kabusugan. Huwag tayo papahuli sa bitag nito.
Sabi rin ni Pope Francis sa Laudato Si, dahil sa konsumerismo, nagkakaroon tayo ng throwaway mentality. Dahil din sa konsumerismo, pumapangit ang ating mundo. Inaakala natin na lahat ng ating mga nilikha ay sapat ng pampalit sa ganda ng nilikha ng Panginoon. Pati nga Pasko, sabi ni Pope Francis, ay na-hijack na ng consumerism.
Mabago sana natin ito, kapanalig, bago mahuli ang lahat. May positibong epekto man ito sa ekonomiya, matindi naman ang mga hamon at epektong kaakibat nito sa ating ugali, kinabukasan, pati kaluluwa.
Una, ang pagmamalabis sa konsumerismo ay maaaring magdulot ng problema sa kalikasan. Ang mataas na produksiyon ay madalas na nagreresulta sa labis na paggamit ng likas na yaman at mas mataas na antas ng polusyon. Ang walang tigil na pangangailangan para sa mga bagong produkto ay maaaring umubos ng ating limitadong likas na yaman.
Pangalawa, ang konsumerismo ay maaaring magkaroon ng epekto sa mentalidad ng mga tao. Ang patuloy na paghahanap ng kasiyahan sa pamamagitan ng pagbili ng bagay-bagay ay maaaring maging sanhi ng di-tamang pagpapahalaga sa material na bagay at pagkaligaw sa tunay na kahulugan ng joy o kagalakan.
Upang ating matugunan ang problemang ito, mahalaga ang papel ng edukasyon at komunikasyon. Ang pagtuturo ng wastong pagpapahalaga sa kahalagahan ng likas na yaman, ng pagiging responsable na mamimili, at pagtutok sa mga mas makabuluhang paraan ng kasiyahan ay magbibigay ng mas mataas na kamalayan sa mga mamamayan. Kapanalig, ang konsumerismo ay hindi sustainable. Dapat nating makita na wala sa materyal na bagay ang tunay na diwa ng pagmamahal. Wala sa materyal na bagay ang tunay na diwa ng pasko.