1,155 total views
Mga Kapanalig, ano ba itong kaguluhang nangyayari sa industriya ng asukal sa ating bansa?
Nagsimula ito sa isang hindi awtorisadong resolusyong nagpapahintulot sa pag-aangkat ng tatlong daanlibong tonelada ng asukal. Kasama ang ibang board members ng Sugar Regulatory Administration (o SRA), nilagdaan ni Undersecretary Leocadio Sebastian ang nasabing resolusyon. Kinatawan niya si Pangulong Bongbong Marcos Jr, na chairman ng SRA at kalihim ng Department of Agriculture (o DA). Ngunit agad na pinabulaanan ng presidente ang nasabing resolusyon. Ayon kay Press Secretary Trixie Cruz-Angeles, wala namang ipinatawag na board meeting ang pangulo kaya wala ring resolusyong dapat naipasa.
Ang pagpirma ni Usec. Sebastian sa resolusyon ay nagmula sa paghirang sa kanya bilang Undersecretary for Operations ng DA ni Executive Secretary Vic Rodriguez. Ginawaran din siya ng dagdag na awtoridad katulad ng paglagda sa mga kontrata, kasunduan, at financial at administrative documents na may kaugnayan sa mga programa at proyekto ng kagawaran.
Ngunit bakit hindi tinanggap ni Pangulong Marcos ang nasabing resolusyon? Paglilinaw ni Secretary Angeles, ang pagkatalaga kay Usec. Sebastian bilang kinatawan ng pangulo ay para lamang dumalo sa mga pulong na hindi madadaluhan ng presidente, at hindi para magpatawag ng miting o lumagda sa anumang resolusyong hindi nalalaman ng pangulo.
Mag-iimbestiga raw ang Malacañang upang tingnan kung may dahilan na mawalan ng tiwala o kumpiyansa ang pangulo sa mga opisyal ng SRA o kung may kapabayaang nangyari. Samantala, nauna nang nagbitiw sa puwesto si Usec. Sebastian. Sumunod sa kanya sina SRA board Vice-Chair Hermenegildo Serafica at ang kinatawan ng mga sugar millers na si Ronald Beltran. Tanging si Aurelio Valderrama Jr, na kinatawan ng mga planters sa board, ang nagpasyang manatili sa posisyon. Aniya, ang kontrobersyal na resolusyon ay batay naman sa datos. Nagkaron din daw ng maayos na konsultasyon sa mga pederasyon ng mga magsasaka at producers ng asukal na sumang-ayon sa pangangailangang mag-angkat ng asukal.
Sa huli, magpapasya rin pala si Pangulong Marcos Jr na mag-import ng asukal matapos siyang makipagpulong sa mga negosyante sa industriya ng asukal. Ang Philippine Chamber of Commerce and Industry ay nagbabalâ sa pagtaas ng presyo ng mga inumin at pagkain dahil sa kakulangan ng suplay ng asukal. Ang Philippine Center for Entrepreneurship ay nagsabing napapanahon ang pag-aangkat upang matulungan ang maliliit na nag-aasukal at ang mga mamimili. Sa pakikipagpulong ng presidente sa Philippine Chamber of Food Manufacturers, pumayag siyang mag-import nang direkta ang mga negosyante bilang kagyat na solusyon sa kakulangan sa suplay ng asukal.
Ano nga kaya ang tunay na kalagayan ng sektor ng asukal sa ating bayan? Sapat ba ang suplay ng asukal o hindi? Bakit itinalaga si dating Usec. Sebastian kung hindi naman niya malayang magagawa ang responsabilidad na nakaatang sa kanya? Bakit biglang naiba ang posisyon ng pangulo tungkol sa importation matapos makipagpulong sa mga negosyante? Napakaraming tanong na naghahanap ng kasagutan.
Mga Kapanalig, mahalagang maipabatid sa taumbayan ang tunay na kalagayan ng mga industriya katulad ng asukal, lalo pa’t nakaaapekto ang mga ito sa ating pang-araw-araw na buhay at kabuhayan ng marami. Dapat nalalaman ng mga lider ang kalagayan ng kanilang mga kinasasakupan o, kung gagamitin natin ang mga salita sa Mga Kawikaan 27:23, ang kawang dapat nilang alagaang mabuti. Tayo namang mga mamamayan ay hinihimok na maging maalám at mapanuri sa mga ginagawa ng ating mga pinuno. Katulad ng ipinahihiwatig ni Pope Francis sa Fratelli Tutti, dapat nating bantayan ang iba’t ibang paraan ng pagbabaluktot at pagtatakip sa kung ano ang totoo. Sa isyu ng kakulangan ng asukal, alamin natin dapat ang tunay na kalagayan ng industriya at kung paano sosolusyunan ng gobyerno ang nakaambang krisis sa asukal.