265 total views
Mga Kapanalig, sa survey ng Social Weather Stations (o SWS) na isinagawa noon pang Nobyembre 2020 ngunit ang resulta ay inilabas nitong simula ng Abril 2021, bumaba ang porsyento ng mga nagsabing napakahalaga (o “very important”) para sa kanila ang relihiyon.
Noong Disyembre 2019, ilang buwan bago nagsimula ang pandemyang bumabalot sa buong mundo, nasa 83% ang nagsabing “very important” ang relihiyon. Ngunit makalipas ang halos isang taon, bumaba ito sa 73%. Mas mataas pa rin naman ito kumpara sa 69% na naitala ng SWS noong Hunyo 2019. Sa huling survey, 9% ang nagsabing ang relihiyon ay bahagyang mahalaga (o “somewhat important”), habang 3% ang nagsabing hindi ito gaanong importante (o “not very important”). Ang kapansin-pansin para sa SWS ay ang pagtaas ng porsyento ng mga nagsabing hindi mahalaga (o “not at all important”) para sa kanila ang pananampalataya—15% ito sa survey noong 2020 ngunit 7% lamang ito noong 2019.
Sa mga Katolikong lumahok sa survey, malaki ang pagbaba ng porsyento ng mga nagsabing mahalaga para sa kanila ang kanilang pananampalataya. Mula 84% noon, bumaba ito sa 71% nitong 2020. Nanatili namang mataas ng porsyentong ito sa mga kapatid nating Muslim na 93% ang nagsabing importante sa kanila ang relihiyon, 1% lamang na mas mababa sa naitala noong 2019. Para naman sa mga kababayan nating kasapi ng Iglesia ni Cristo, tumaas ito sa 88% mula sa 69% pagkatapos ng isang taon.
Sa una, maaari nating sabihing nakalulungkot (o kaya naman ay nakababahala) ang sinasalamin ng naturang survey para sa Simbahang Katolika sa Pilipinas lalo pa’t ipinagdiriwang natin ngayong taon ang ika-500 taon ng Ebanghelisasyon sa Pilipinas. Nagiging malamlam na nga ba ang ating pananampalataya? Nawawalan na ba ng kahulugan para sa mga mananampalatayang Katoliko ang mga turo ng Simbahan at ang Salita ng Diyos? Sa gitna ng krisis na ating kinakaharap ngayon, hindi ba talaga nakikita ng mga Katoliko ang kanilang pananampalataya bilang isang bagay na mapagkukunan nila ng pag-asa at mapaghuhugutan, ‘ika nga, ng motibasyon upang magpatuloy sa buhay gaano man ito kahirap sa mga panahong ito?
Sa halip na itanggi ang naging resulta ng survey na ito ng SWS tungkol sa relihiyon—gaya ng maaaring gawin ng ilang Katoliko—gawin natin itong batayan ng ating pagninilay tungkol sa ating pananampalataya. Minsang sinabi ni Pope Francis na ang pananampalataya (o faith) ay hindi lamang tungkol sa kung gaano natin kaalam ang mga turo at doktrina. Ito ay isang paglalakbay patungo sa Diyos, hindi patungo sa ating sarili. Hindi ito madali lalo na para sa mga ordinaryong mananampalatayang madalas naghahanap ng katanungan sa napakarami nilang sagot lalo na ngayong tila ba walang katiyakan. Ang ating pananampalataya, paliwanag ng ating Santo Papa, ay nakatuon sa kapangyarihan ng Diyos na matutunghayan natin sa pamamagitan ng paglilingkod sa ating kapwa, hindi sa pagkakaroon ng kapangyarihang ibinibigay ng mundo, na ang tuon lamang ay ang ating mga sarili. Ibig sabihin, ang pananampalatayang Katoliko ay tungkol ang pagsasama ng ating pagsamba sa Diyos at pakikipag-ugnayan sa ating kapwa (at maging sa kalikasan), dahil sa pamamagitan ng ugnayang ito, nakikilala natin ang ating Panginoon, nararanasan natin ang kanyang kapangyarihan, natatanggap natin ang kanyang awa at habag.
Mga Kapanalig, sabi nga sa Santiago 1:27, “Ang relihiyon na dalisay at walang dungis sa harap ng ating Diyos at Ama ay ito: pagtulong sa mga ulila at sa mga biyuda sa kanilang kahirapan, at pag-iingat sa sarili upang huwag mahawa sa kasamaan ng mundong ito.” Kung makikita natin ang paglilingkod sa Diyos at sa kapwa bilang liwanag sa isang madilim na mundo, makikita natin ang tunay na halaga ng pagkapit sa ating pananampalataya.