12,186 total views
Ipinagkaloob ng pamunuan ng Philippine Conference on New Evangelization (PCNE) sa komunidad ng mga katutubong Molbog sa Palawan ang lahat ng mga nakolekta na love offering sa isinagawang banal na misa sa tatlong araw na PCNE XI.
Sa pagtatapos ng 11th Philippine Conference on New Evangelization sa University of Santo Tomas noong ika-20 ng Hulyo, 2025 ay inihayag ni PCNE Director Rev. Fr. Jason Laguerta na napagkasunduan ng pamunuan ng PCNE na ipagkaloob ang lahat ng mga nalikom sa tatlong banal na misa para sa komunidad ng mga katutubo na kinabibilangan ng isa sa mga naging panauhin sa isang bahagi ng programa ng kumperensya.
Pagbabahagi ng Pari, umabot sa P300,840 ang halagang nalikom na love offering sa tatlong banal na misa na isinagawa sa loob ng tatlong araw na PCNE XI.
“For the past three days brothers and sisters we had our collection and we were able to collect P300,840 pesos and we will be giving this to Sambilog Balik Bugsok Community, so we will hand over this amount to Balik Bugsok, yun pong ininterview their community.” Bahagi ng pahayag ni Fr. Laguerta.
Ayon kay Fr. Laguerta ang desisyong ito ng pamunuan ng PCNE ay isang kongretong pagsasabuhay ng Simbahan ng ‘synodality’ o pagiging isang Simbahang sinodal na nakikipaglakbay sa mga aba o inaapi at naisasantabi sa lipunan.
Giit ng Pari, ang synodality o sama-samang pakikilakbay ay dapat na isakatuparan sa pamamagitan ng pagkilos ng may pagkalinga at pagmamahal hindi lamang sa Panginoon kundi maging sa kapwa.
“This is your concrete action of synodality with those who are being oppressed… Let us make our Synodality not a romantic idea but Synodality in action of love.” Dagdag pa ni Fr. Laguerta.
Ipinagkaloob ng pamunuan ng PCNE ang naturang love offering sa komunidad ng mga Molbog sa Palawan matapos ang naging pagbabahagi ni Jilmani Nasiron mula sa Sitio Marihangin, Balabac, Palawan kaugnay sa kanilang patuloy na kinahaharap na suliranin at banta ng karahasan mula sa pangkakamkam sa kanilang lupang ninuno.
Si Narison ang isa sa tampok na panauhin sa bahaging ‘Padayon: The Filipino Synodal Witnessing of the Catholic Faith’ sa ikatlong araw ng PCNE XI na pinangasiwaan ni Dr. Estella Padilla.
Bukod kay Narison, nagbahagi rin ang iba pang mga panauhin na pawang tumutulong sa sitwasyon ng komunidad ng mga katutubo sa lugar na sina Angel Rose Sarmiento – Political Science student mula sa Ateneo de Manila University; Socrates Bansuela mula sa Pambansang Kilusan ng Magsasaka (PAKISAMA); at Tony Abuso na siyang Secretary General ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines – Episcopal Commission on Indigenous Peoples.
Dinaluhan ang PCNE XI ng may 5,000 delegado na may tema ngayong taon na ‘Padayon: Synodal Witnessing of the Faith’ na muling isinagawa ng UST Quadricentennial Pavilion mula noong ika-18 hanggang ika-20 ng Hulyo, 2025.
Inihayag naman ni Manila Archbishop Jose Cardinal Advincula na nakatakda ang 12th Philippine Conference on New Evangelization sa July 24 to 26, 2026 sa susunod na taon.