3,277 total views
Umapela si Antipolo Bishop Ruperto Santos sa mga lider ng bansa na magpakatao at itaguyod ang karangalan at dignidad ng bawat mamamayan.
Ayon sa obispo, ang paninilbihan sa bayan ay isang sagradong paglilingkod kaya’t mahalagang magpakatao upang maisabuhay ang tunay na diwa ng paglilingkod ayon sa mga halimbawa ng Panginoon.
“To be truly human is not automatic—it is a choice, a calling, and a daily decision to live with truth, conscience, and compassion,” ayon kay Bishop Santos.
Binigyang-diin ng pastol ang kahalagahan ng ‘transparency, accountability, at obedience’ na dapat taglayin ng mga lider ng bayan, gayundin ng lahat ng mga naglilingkod sa publiko upang maisakatuparan ang mga sinumpaang pangako sa bayan.
Ayon sa kanya, nararapat na maging makatotohanan ang mga pulitiko sa kanilang mga salita at gawa, at kasabay nito, ipinaalala niya na ang pagiging halal sa bayan ay hindi karangalan kundi isang malaking responsibilidad na dapat gampanan ng buong katapatan at kababaang loob.
“Transparency begins with honesty before God and country; Accountability means answering not only to the law, but to conscience; Obedience means listening to the cries of the poor, the grief of flood victims, the anger of betrayed citizens,” dagdag ni Bishop Santos.
Sinabi ni Bishop Santos na bawat tao ay nilikha sa kawangis ng Diyos kaya’t dapat alalahanin ng mga lider ng bayan ang pagiging tao, lalo na ang kanilang pinaglilingkurang pamayanan.
Iginiit ng obispo na dapat masusing pag-aralan ang mga polisiya at batas na ipinatutupad, gayundin ang wasto at maingat na paggamit sa pondo ng bayan, dahil ang mga mamamayan—lalo na ang mga dukha—ang labis na apektado sa mga katiwalian.
“Before we are leaders, legislators, or public servants, we are first and foremost tao—human beings created in the image and likeness of God. Let us not reduce people to numbers in a ledger or objects in a system. Let us not forget that the policies we pass ripple through real lives,” giit ni Bishop Santos.
Nasa sentro ng kontrobersiya ang ilang mga lider ng bansa, mga ahensya ng pamahalaan, gayundin ang ilang mga kontratista, dahil sa mga nadiskubreng maanomalya at ghost flood control projects na pinaglaanan ng bilyong pisong halaga ng pondo mula sa buwis ng taumbayan na pinakikinabangan ng ilang mga nasa kapangyarihan.
Nagpapatuloy ang mga isinasagawang imbestigasyon ng kongreso sa mga katiwalian, habang makikiisa naman ang simbahan, kasama ang mga civic society organizations, sa “Trillion Peso March,” isang malawakang kilos-protesta sa Setyembre 21 upang kundinahin ang talamak na korapsyon sa pamahalaan at manawagan na panagutin ang mga sangkot sa katiwalian.
Mahigpit na paalala ni Bishop Santos sa mga opisyal ng bayan na isabuhay ang diwa ni Kristo sa paglilingkod sa sangkatauhan:
“Be more than your title. Be more than your office. Be human in the deepest, most divine sense,” giit ni Bishop Santos.