15,342 total views
Hinihikayat ni Imus Bishop Reynaldo Evangelista ang mamamayan lalo na ang mga kabataan na makiisa sa pandaigdigang inisyatibo ng pontifical foundation ng Vatican sa bansa na Aid to the Church in Need-Philippines (ACN) na “One Million Children Praying the Rosary” na gaganapin sa ika-7 ng Oktubre, 2025 kasabay ng Kapistahan ng Mahal na Birhen ng Santo Rosaryo.
Ayon kay Bishop Evangelista na siya ring incoming chairman ng CBCP-Episcopal Commission on Health Care, mahalaga ang pagkakaisa ng lahat para sa sama-samang pananalangin ng Santo Rosaryo para sa kabutihan at kapakanan ng sangkatauhan.
Nakatakda ang sabay-sabay na pananalangin ng Santo Rosaryo ng mga kabataan ganap na alas-nuebe ng umaga sa Pandiyosesis na Dambana at Parokya ng Santo Rosario sa bayan ng Rosario, Cavite.
“Magandang araw po sa inyong lahat. Bukas po, ika-7 ng Oktubre ay Kapistahan ng Mahal na Birhen ng Santo Rosaryo. Isasagawa po bukas ika-9 ng umaga (9am) ang ONE MILLION CHILDREN PRAYING THE ROSARY sa Pandiyosesis na Dambana at Parokya ng Santo Rosario sa Rosario, Cavite, Diyosesis ng Imus. Inaanyayahan ko po kayo na makiisa sa napakahalagang gawain na ito para sa maraming pangangailangan ng buong mundo ngayon.” Bahagi ng paanyaya ni Bishop Evangelista sa Radyo Veritas.
binigyang diin ni Bishop Evangelista ang pag-aalay ng intensyon sa panalangin ng Santo Rosaryo para sa mga sinalanta ng iba’t ibang mga sakuna at kalamidad; para sa mga mga inuusig na mga Kristiyano sa iba’t ibang bansa; pagkakaroon ng ganap na kapayapaan sa daigdig at tahanan; gayundin ang pagkakaroon ng katapatan sa gitna ng patuloy na usapin ng katiwalian sa pamahalaan.
Sinabi ng Obispo na ang sama-samang pagdarasal ng Santo Rosaryo ay isang makapangyarihang sandata ng pananampalataya, na napatunayan na sa mahabang kasaysayan ng Simbahan bilang panangga laban sa kasamaan at kaguluhan.
“Ipagdasal natin ng sama-sama ang mga sinalanta ng iba’t-ibang kalamidad, mga inuusig na mga Kristiyano, ang nalalantad na mga korapsyon sa ating pamahalaan, at ang kakulangan ng kapayapaan sa ilang mga bansa at maging sa mga tahanan. Ang pagdarasal ng santo rosaryo ay napakabisang panalangin na pinatunayan na ang naging bunga ng mahabang kasaysayan ng ating pagiging mga Kristiyano. Ang sabi nga ni Santo Padre Pio, “When a million children pray the rosary, then the world will change”. Pagpalain kayo ng Diyos!” Dagdag pa ni Bishop Evangelista.
Ang “One Million Children Praying the Rosary” ay isang pandaigdigang panawagan ng pananalangin para sa kapayapaan, pagkakaisa, at pagbabalik-loob sa Diyos, na taunang kampanya ng Aid to the Church in Need (ACN).
Sa Pilipinas, aktibong nakikibahagi sa taunang gawain ang iba’t ibang diyosesis, paaralan, at parokya sa bansa bilang bahagi ng misyon ng Simbahan na palaganapin ang debosyon sa Mahal na Birheng Maria tuwing buwan ng Oktubre.
Layunin ng Worldwide Prayer Event na isulong ang pagkakaisa at kapayapaan sa pamamagitan ng sabay-sabay na pananalangin ng mga kabataan ng Santo Rosaryo mula sa iba’t ibang panig ng mundo.
Inilunsad ang One Million Children Praying the Rosary campaign sa Caracas, Venezuela noong taong 2005 kung saan umaabot na sa mahigit 80-bansa ang taunang nakikibahagi sa malawakang pananalangin ng mga kabataan ng Santo Rosaryo kabilang na ang Pilipinas nang inilunsad ang gawain sa bansa noong taong 2016.