18,253 total views
Muling umapela si University of the Philippines – Philippine General Hospital head chaplain, Fr. Marlito Ocon, SJ, para sa pananagutan ng mga opisyal at contractor sa kabiguang tugunan ang paulit-ulit na pagbaha sa Maynila.
Ito’y matapos muling malubog sa baha ang Taft Avenue, PGH grounds, at mismong PGH Chapel dulot ng ilang oras na pag-ulan dulot ng habagat at ng binabantayang Tropical Depression Isang.
Sa facebook post, inihayag ni Fr. Ocon ang pagkadismaya sa kasalukuyang kalagayan na hindi lamang nakaaabala, kundi nagdudulot na rin ng panganib, lalo na sa mga pasyenteng nagtutungo sa PGH.
“Where are the millions and billions of flood control projects? [Department of Public Works and Highways], nasaan na? Mga politikong kurakot, nasaan na? Sana maranasan din ninyo ito, ‘yung pasukin ang bahay n’yo ng tubig-baha. Mga contractors, concerned [government] officials, senators, congressmen, at iba pang opisyal mahiya naman kayo! Grabeng pahirap ang ginawa n’yo,” ayon kay Fr. Ocon.
Hinamon ng pari ang mga mambabatas at opisyal ng pamahalaan na bigyang-katugunan ang matagal nang suliraning nagpapahirap sa mamamayan, at nanawagan kay Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. na tunay nawang papanagutin ang mga sangkot sa katiwalian kaugnay ng flood control projects.
“Sana may mapanagot at makulong na contractors, senador, at congressman para hindi lang hanggang list of erring contractors ang ipalabas, kundi list of convicted corrupt officials and contractors,” giit ni Fr. Ocon.
Dahil naman sa hanggang tuhod na baha sa paligid ng PGH, ipinagpaliban muna ng PGH Chaplaincy ang Banal na Misa kaninang alas-12:15 ng tanghali, para na rin sa kaligtasan ng publiko.
Batay sa ulat, nasa P545-bilyon ang inilaang budget ng pamahalaan para sa flood control projects, ngunit natuklasan sa pagsisiyasat ni Pangulong Marcos, na hindi ito ganap na nailalaan sa mga proyekto, at ang 20-porsyento ng nasabing budget ay napunta lamang sa bulsa ng nasa 15 contractors.
Nagbanta na rin ang pangulo na kakasuhan ng economic sabotage ang mga contractor at opisyal ng pamahalaan na mapapatunayang sangkot sa maanomalyang proyekto.