231 total views
Nakalulungkot at nakakadismaya ang nangyari kay Sr. Patricia Fox, NDS.
Ito ang tugon ni Rev. Fr. Angel Cortez, OFM, Co-Executive secretary ng Association of Major Religious Superiors in the Philippines kasunod ng pag-aresto sa 71-taong gulang na Australyanang Madre noong Lunes kaugnay sa alegasyong nakikisangkot ito sa kilos protesta laban sa pamahalaan.
Ayon kay Father Cortez, higit na nakakadismaya ang ginawa ng Bureau of Immigration kay Sister Patricia Fox, NDS. lalo’t marami ang mga dayuhang misyonero ang naglaan ng kanilang buhay sa Pilipinas upang tumulong sa mga mahihirap.
“Siyempre unang-una nalungkot kami sa nangyari at ang buong asosasyon ay nakita namin ang aming pagkadismaya dahil alam mo naman na maraming mga banyagang mga misyonero ang naririto sa ating bansa upang tumulong sa ating mga kapatid na mahihirap lalong lalo na sa mga lugar na walang misyonero,” bahagi ng pahayag ni Fr. Cortez sa Radyo Veritas.
Ikinabahala naman ni Manila Auxiliary Bishop Broderick Pabillo ang pagkaaresto sa madre lalo’t walang umiiral na martial law sa bansa ay tila tinutugis ang mga nagtatanggol sa karapatang pantao sa bansa.
Si Sister Fox, NDS ay 27- taon ng nagmimisyon at tumutulong sa mga magsasaka at mga katutubo sa bansa.