4,425 total views
Nakikiisa ang Conference of Major Superiors in the Philippines – Justice, Peace and Integrity of Creation Commission (CMSP-JPICC) sa mamamayan ng Dupax del Norte, Nueva Vizcaya, sa pagtatanggol sa lupain at buhay laban sa isinasagawang mining exploration ng Woggle Corporation.
Ayon sa CMSP-JPICC, bilang mga taong naglaan ng buhay sa paglilingkod alinsunod sa Ebanghelyo, tungkulin nilang manindigan kung saan nanganganib ang buhay at dignidad ng tao.
Kaugnay ito ng mapayapang barikadang inilunsad ng mga residente ng Dupax del Norte at ng Oyao Village Council, na humantong sa karahasan matapos subukang buwagin ng mga pulis.
“No project has moral legitimacy when it endangers communities, disregards consultation, or undermines the covenant between people and creation,” pahayag ng CMSP-JPICC.
Suportado rin ng komisyon ang panawagan ni Bayombong Bishop Jose Elmer Mangalinao na igalang ang lupaing ninuno bilang bahagi ng pagkakakilanlan at alaala ng mga katutubo.
Sinabi ng CMSP-JPICC na ang paninindigan ng obispo para sa pagbabantay at pangangalaga sa buhay ng tao ay nagpapakita ng pagiging mabuting pastol ng Simbahan, na hindi kayang ipagsawalang-bahala ang mga pinatatahimik.
“His voice unites ecclesial concern with the cry of the poor and strengthens our conviction that ecological justice is a pastoral duty,” ayon sa komisyon.
Nanawagan din ang CMSP-JPICC sa Department of Environment and Natural Resources (DENR), Mines and Geosciences Bureau (MGB), at iba pang kaukulang ahensya na hindi lamang suspindihin kundi tuluyang bawiin ang mga permit na lumalabag sa karapatan ng mga pamayanan at sa Nueva Vizcaya Environmental Code.
Iginiit ng komisyon na ang pagmimina sa Dupax del Norte ay naglalagay sa panganib sa mga watershed, kabuhayan, at pamanang kultura ng mga katutubo.
Kasabay nito, nanawagan din ang mga relihiyoso’t relihiyosa sa mga mananampalataya na makiisa sa mga mamamayan sa pamamagitan ng panalangin at pagkilos para sa katarungang pang-ekolohikal.
“May our Church remain steadfast in its witness that the earth is God’s, its people are sacred, and creation is not for sale,” saad ng CMSP-JPICC.