10,006 total views
Maituturing bilang “Long-running, and Mother of all soap operas” ang inaasahang pagdinig sa kaso ni dating Pangulong Rodrigo Duterte sa International Criminal Court (ICC) sa The Hague Netherlands.
Ito ang inihayag ni ICC accredited lawyer Atty. Joel Butuyan, chairperson ng Center for International law sa panayam ng programang Veritasan ng Radyo Veritas.
“Ang sinasabi ko nga, ito siguro yung sinasabing long-running and mother of all soap operas na mangyayari sa ating bansa,” ayon kay Butuyan.
Dagdag pa ng abogado,” dapat tutukan itong kasong ito, dahil pupuwedeng hindi na mangyari ang ganitong klase ng paglilitis sa ating bansa dahil wala na tayo sa ICC at napaka-importante yung lilitisin dito, dahil ito ang pinaka-grabeng krimen na nangyari sa kasaysayan ng ating bansa after World War II. Up to 30 thousand ng ating mga kababayan ang pinatay, up 400 thousand ang ikinulong, at libo-libo pa ang ibang klaseng krimen na nangyari. So, kailangan talaga tayong magkaroon ng hustisya.”
Inihayag ding ng abogado ang mga inaasahang mangyayari sa pagdinig na magsisimula sa Sept. 23 hanggang September 26, kung saan itinakda ng ICC ang confirmation of charges hearing laban kay Duterte na nahaharap sa kasong Crimes against humanity.
“Summary, marathon hearing within four days. So kumbaga makikita natin yung overview ng kasong ito. Kumbaga sa sine, ito yung parang coming soon.”
Ayon sa abogado, ang pagdinig ay inaasahang aabot ng apat na araw na magsisimula ng ikasiyam ng umaga hanggang ikaapat ng hapon. Higit pang magtatagal ang pagdinig na maaring umabot ng tatlong taon sa oras na magpasya ang mga hukom na may sapat na dahilan upang magsimula ang paglilitis laban sa dating pangulo.
“Sa apat na araw na ito, ilalatag ng prosecution kung ano talaga ang pormal na mga krimen na isasampa sa dating Pangulong Duterte at ipiprinsinta nila yung ‘unlimited na ebidensya’ na pangsuporta para pormal na tukuyin talaga kung ang ano ang charge. Tapos magpiprisinta rin ng ebidensya at argumento ang depensa-ang abogado ni Mr. Duterte,” paliwanag ni Butuyan.
Sa parehong pagkakataon ding ito, ayon kay Butuyan ay maaring ihayag ng depensa na sabihin kung kulang ang ebidensya at kung bakit dapat i-dismiss ang kaso at ang usapin kung may ‘jurisdiction’ ang ICC.
Samantala, bago ang inaantabayang mangyayari sa Sept. 23, may ilang mga usapin na posibleng pagdesisyunan ng korte, kabilang na dito ang victim participation o ang mga makikibahagi sa confirmation of charges-kung saan 322 na ang nagsumite ng application forms at maari pang dumami ang bilang.
Pagdetermina ng ICC kung sino ang tatayong counsel ng mga biktima; ang issue ng jurisdiction ng ICC; request for interim release ng dating Pangulong Duterte; at ang disqualification na inihain ng depensa laban kay ICC Prosecutor Karim Khan.
Umaasa naman si Butuyan na hindi pahihintulutan ng hukuman ang dating Pangulo para sa interim-release dahil sa kaniyang edad at taglay na karamdaman.
“Hindi katulad sa Pilipinas na porke’t 80 years old ay pinaalalabas na. maraming mga nakulong na mga senior citizen na, hindi pinalalabas dahil lang sa age. Kung sa health naman meron mga personnel at facilities ang ICC detention facility who can address the health condition,” ayon kay Butuyan.
Isa rin sa dahilan ng pagtutol sa interim-release ni Duterte na malagay sa panganib ang mga biktima, testigo gayundin ang mga dokumento na gagamitin sa paglilitis.
“Sa amin sa hanay ng mga biktima, napaka-importante na hindi mai-release si Mr. Duterte dahil talagang at-risk ‘yung security ng mga biktima at mga witnesses,”
Binanggit ni Butuyan ang kahalagahan ng paglilitis para sa pagkamit sa katarungan ng may 30 libong biktima ng extra judicial killings (EJK) dahil sa drug war campaign ng dating pangulo ng Pilipinas.
Ayon sa abogado, hindi na ito maaring maulit, lalo’t kumalas na ang Pilipinas sa ICC epektibo noong March 2019.
Ang pagdinig ay ang ikalawang pagharap sa korte ni Duterte na ang una ay ginanap noong March 14 – kung saan kinumpirma ang kanyang pagkakakilanlan at pormal na ipinaalam sa kanya ng hukuman ang mga kasong isinampa laban sa kanya.