559 total views
Nagpaabot ng panalangin at pakikiramay ang pamunuan ng Radio Veritas sa pagpanaw ni Fr. Dexter Toledo, OFM at priest anchor ng programang Barangay Simbayanan-Thursday edition.
Ayon kay Fr. Roy Bellen–vice president for Operations ng Radio Veritas, isang kawalan si Fr. Toledo hindi lamang sa himpilan at sa Pransiskanong kongregasyon kundi sa buong Simbahan bilang matapat at masigasig na katuwang sa pagsusulong ng Mabuting Balita sa pamamagitan ng kanyang angking galing, talento at dedikasyon bilang lingkod ng Diyos.
“Nakakabigla at nakakalungkot ang balita tungkol sa pagpanaw ni Fr. Dexter. Napakarami pa sana ng maari niyang maibigay sa Simbahan at maitulong sa kanyang kapwa sa pamamagitan ng kanyang kongregasyon, ng kanyang ministry sa media at ng kanyang pagka-pari. He was very promising. Pero sadyang mayroong plano ang Diyos para sa kanya na mas maganda, hindi man natin siguro ngayon maunawaan. Isang kawalan si Fr. Dexter para sa atin, lalo na sa amin sa Radyo Veritas, pero gayun pa man we are sure, isang karagdagan siya sa ating mga tagapag panalangin sa langit.” Ang bahagi ng pahayag ni Fr. Roy Bellen sa Radio Veritas.
Si Fr. Toledo ay kilala rin sa kanyang adbokasiya kaugnay sa pangangalaga ng kalikasan na nagsilbing National Coordinator ng Ecological Justice Interfaith Movement at isa sa mga nagtatag ng Global Catholic Climate Movement–Pilipinas.
Si Fr. Toledo ang Provincial Secretary ng Order of Friars Minor Philippines at Director ng OFM Provincial House. Naglingkod rin si Fr. Toledo sa Association of Major Religious Superiors in the Philippines (AMRSP) bilang Co-Executive Secretary noong 2014 hanggang 2015 at 2017 hanggang 2018 kung saan siya ay naging aktibo sa pagbabantay sa mga usaping panlipunan na higit na nakakaapekto sa buhay ng bawat mamamayang Filipino.
Si Fr. Toledo ay kabilang sa mga anchor priest ng Radyo ng Veritas sa programang Barangay Simbayanan–Thursday edition kasama ni Ms. Angelique Lazo-Mayuga na tumatalakay sa mga usaping pangkalikasan at pangkalusugan. Ang pari ay pumanaw noong Lunes, February 8 sa edad na 37-taong gulang.