3,772 total views
Magtitipon ang Simbahan, lokal na pamahalaan, at civil society organizations (CSO) ng Oriental Mindoro para talakayin ang pagpapatibay ng moratoryo sa malawakang pagmimina sa lalawigan.
Layunin ng pagtitipon, na may temang “Strengthening Church-LGU-CSO Partnership in Defense of Mining Moratorium Against Large Scale Mining,” na patatagin ang ugnayan ng iba’t ibang sektor sa pangangalaga ng kalikasan, lalo na sa mga banta ng malawakang pagmimina.
Gaganapin ito, bukas, July 10, 2025, mula ala-una hanggang alas-5 ng hapon sa Bishop Warlito Cajandig Conference Hall, Bishop’s Residence, Salong, Calapan City.
Sinabi ni Calapan Social Action Director Fr. Edwin Gariguez, sa kanyang facebook post na mahalagang pagkakataon ang forum upang balikan ang desisyon ng Korte Suprema kaugnay ng mga kapangyarihan ng LGU sa regulasyon ng pagmimina.
“The decision is particularly relevant to ongoing discussions on environmental protection, local autonomy, and responsible mining in Mindoro,” ayon kay Fr. Gariguez.
Sa nasabing desisyon, sinabi ng kataas-taasang hukuman na hindi maaaring magpatupad ng blanket ban sa lahat ng malawakang pagmimina ang mga lokal na pamahalaan.
Gayunman, pinahihintulutan ang mga lokal na pamahalaang tumanggi sa partikular na proyekto batay sa epekto nito sa kapaligiran, kabuhayan, at karapatan sa lupa ng mamamayan.
Ayon sa Korte Suprema, kinakailangan pa rin ang konsultasyon sa mga apektadong pamayanan at pag-apruba ng Sangguniang Bayan o Panlungsod bago maipatupad ang anumang proyekto sa pagmimina, alinsunod sa Section 26 at 27 ng Local Government Code.
Inaasahan namang magsisilbing plataporma ang talakayan upang higit pang pagtibayin ang kolektibong paninindigan ng simbahan, pamahalaan, at mamamayan para sa pangangalaga sa kalikasan at karapatan ng mga Mindoreño.
“Understanding the scope and limits of LGU authority, as clarified by the Court, is crucial for informed participation in the forum,” saad ni Fr. Gariguez.
Una nang nanawagan sa sambayanan at iba’t ibang sektor ng lipunan si Calapan Bishop Moises Cuevas na makiisa sa isang “Araw ng Panalangin” bilang tugon sa lumalalim na usapin sa pagmimina sa Mindoro, kasunod ng desisyon ng Korte Suprema na nagpapawalang-bisa sa 25-taong moratorium sa malakihang pagmimina sa Occidental Mindoro.