3,811 total views
Hinimok ni Calapan Bishop Moises Cuevas, incoming chairman ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines–Episcopal Commission on Indigenous Peoples, ang mamamayan na makiisa sa adhikain ng mga katutubong sa pagtatanggol ng kanilang karapatan sa lupaing ninuno at pangangalaga sa kalikasan.
Sa pagninilay sa pagdiriwang ng Indigenous Peoples’ Sunday sa Sto. Nino Cathedral, Calapan City, Oriental Mindoro, inihalintulad ni Bishop Cuevas ang isinagawang Lakad-Padyak para sa Katutubo at Kalikasan sa isang paglalakbay ng pananampalataya, isang konkretong paraan ng pagpapahayag ng tiwala, pag-asa, at pagkilos tungo sa pagkakaisa at katarungan..
“Ang paglalakad ay tanda ng pananampalataya sapagkat ang taong lumalakad ay umaasa kahit hindi pa nakikita ang dulo ng daan… Ang pagpadyak ay tanda ng pagkilos at pagpupunyagi sapagkat bawat pag-ikot ng gulong ay hakbang ng pagtityaga kahit paakyat o mabigat na daan. Kaya ang Lakad-Padyak ay larawan ng ating buhay-pananalig—pananampalatayang kumikilos,” ayon kay Bishop Cuevas.
Binigyang-diin ng obispo na bagama’t ang mga katutubo ang pangunahing tagapangalaga ng kalikasan, sila rin ang higit na naaapektuhan ng kawalang-katarungan dulot ng pagmimina at iba pang mapaminsalang proyekto.
Ibinahagi rin ni Bishop Cuevas na nananatiling mabagal ang proseso ng pagbibigay ng Certificate of Ancestral Domain Title (CADT), na sa Occidental Mindoro na lamang ay umabot pa ng dalawang dekada bago tuluyang maibigay, habang milyon-milyong ektarya ng lupaing ninuno ang patuloy na nalalagay sa panganib.
Tinukoy ng obispo ang paalala ng yumaong si Pope Francis sa Laudato Si’ na kilalanin at pahalagahan ang kultura at pananampalataya ng mga katutubo na itinuturing ang lupa bilang banal na pamana at kaloob ng Diyos.
Ipinaliwanag din ng susunod na pinuno ng CBCP-ECIP na ang isinagawang paglalakbay ng mga katutubo mula Batangas patungong Boracay Island at Oriental Mindoro ay hindi lamang kilos-protesta kundi makapropetang paglalakbay na nagdadala ng panawagan at pag-asa.
“It’s prophetic, not protest… Sa bawat hakbang sa paglakad, at sa bawat ikot ng gulong sa pagpadyak, dala po ‘yung panawagan. Tayo po ay humihiyaw na sana ay mag-alingawngaw—ipagtanggol ang lupaling ninuno, itaguyod ang karapatan ng mga katutubo, at isulong ang makakalikasang kaunlaran,” giit ni Bishop Cuevas.
Nanawagan si Bishop Cuevas sa simbahan at sambayanan na maging simbahang nakikilakbay, nakikinig, at kumikilos para sa katarungan, kapayapaan, at pangangalaga ng kalikasan.
“Ito ang ating tugon. Ito ang tinig na nagbibigay pag-asa. Ito ang pananampalatayang kumikilos—ang Lakad-Padyak para sa Katutubo at Kalikasan,” saad ni Bishop Cuevas.